IATF ‘DI MAKIKIHATI SA BAKUNA NG PRIVATE SECTOR

IKINATUWA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang desisyon ng Inter-Agency Task Force against COVID-19 na hindi na makikihati sa biniling COVID-19 vaccines ng pribadong sektor.

“This is great news!” ani House Committee on Constitutional Amendment chairman Alfredo Garbin Jr., matapos ihayag umano ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na hindi na makikihati ang gobyerno sa private sector.

Magugunitang pinayagan ng gobyerno ang pribadong kumpanya na bumili ng sariling bakuna para sa kanilang mga empleyado subalit kailangang i-donate ng mga ito sa gobyerno ang kalahati sa kanilang biniling gamot.

Gayunpaman, biglang nagdesisyon umano si Galvez na hindi na makikihati ang gobyerno sa mga private sector upang mas maraming tao ang mababakunahan ng mga ito.

“Mabuti nagbago na ng isip ang National Task Force on COVID. Hindi na nila kukunin ang kalahati ng mga vaccines na binibili ng private sector. Tama yan,” ayon sa mambabatas.

Pera aniya ng pribadong sektor ang ipinambili kaya’t pribadong sektor din ang dapat umanong makinabang kaya pinasalamatan ng mambabatas si Galvez sa desisyon nito.

Dahil dito, inaasahan ng mambabatas na hindi lamang ang mga empleyado ng pribadong sektor ang mababakunahan kundi ang pamilya ng mga ito upang maproteksyunan ang mga ito sa COVID-19.

“Pagkatiwalaan dapat ng gobyerno ang mga nagkakawang-gawang pribadong negosyo at mga negosyante,” ayon pa sa mambabatas dahil kung mayroong gustong makabangon agad sa pandemya ay ang sektor ng pagnenegosyo.

Kailangan lang aniyang asistehan ng gobyerno ang pribadong sektor lalo na sa pagbabakuna upang mapabilis at maparami ang mga taong magkakaroon ng herd immunity laban sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

108

Related posts

Leave a Comment