NAGPAHAYAG na rin ng pagkabahala ang bansang France at Italy sa sitwasyon sa South China Sea at sa agresibong pagkilos ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Matapos magpahayag ng pagkabahala ang Japanese Embassy sa Maynila hinggil sa “dangerous behavior” ng China sa South China Sea (SCS), naglabas ng katulad na damdamin ang France Embassy.
“Kasunod ng mga insidente kamakailan sa South China Sea, ipinapahayag namin ang aming pagmamalasakit at nananawagan kami ng paggalang sa internasyunal na batas at ang paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng diyalogo,” pahayag ng France.
Lubos umano silang tumututol sa anomang paggamit ng puwersa o pagbabanta.
Maging ang Italy ay nagsabing pabor sila sa pagsusulong ng peace and stability sa rehiyon.
Binanggit ito ni Giovanni Monno, commanding officer ng Francesco Morisini, isang malaki at modernong barkong pandigma ng Italian Navy na nasa Pilipinas ngayon para sa limang araw na goodwill visit.
Ang pagbisita ng Italian Navy ay pagpapakita rin umano ng matibay na kooperasyon ng Pilipinas at Italy sa pagpapalakas ng naval diplomacy at pagrespeto sa international law sa Indo-Pacific.
Binisita naman ni Italian Ambassador to the Philippines Marco Clemente ang mga tauhan ng Morisini para sa port call, sa Manila South Harbor Port.
Nauna rito, nagpahayag ng pagkabahala ang Japanese Embassy sa Maynila kasunod ng ulat na hinarang ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal.
“[C]hina’s unilateral actions such as repeated intrusions into Japan’s waters around the Senkaku Islands in the ECS (East China Sea), China’s dangerous behavior in the South China Sea in defiance of the 2016 arbitration award is a grave concern for regional peace and stability,” ayon kay Japanese Ambassador to Manila Kazuhiko Koshikawa sa isang tweet.
Kaakibat ng kanyang komento ang sinasabing pangha-harass sa PCG ng mas malalaking barko ng Chinese Coast Guard (CCG) katuwang ang barko ng People’s Liberation Army sa may Ayungin Shoal. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE)
