LUBHANG nakababahala ang muling pagdami ng bilang ng naitatalang mga positibo sa nakamamatay na COVID-19 nitong nakalipas na mga linggo bunsod ng kawalang ingat ng mamamayang sukdulang abala sa mga aktibidades na kalakip ng kampanya para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Sa datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na pataas na naman ang mga kaso sa mga lalawigan sa bahagi ng Visayas at Mindanao kung saan nakasentro ang pangangampanya ng mga kandidatong puntirya ang pwesto sa gobyerno.
Ang totoo, walang bawal sa mga pagtitipong dinudumog ng libo-libong katao bunsod ng pagluluwag ng Commission on Elections (Comelec) sa mga restriksyon kaugnay ng pangangampanya.
Ang masaklap, mas nauna pang mabahala ang World Health Organization (WHO) kaysa DOH na siyang may mandatong tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan.
Babala pa ng WHO, asahan ang muling pagsirit ng bilang ng arawang tala ng mga positibo sa kalagitnaan ng susunod na buwan – o isang linggo matapos ang takdang araw ng halalan. Sa pag-aaral ng kanilang mga dalubhasa, posibleng umakyat sa 300,000 ang bilang ng tinatawag na active cases pagkatapos ng halalan kung patuloy na babalewalain ng mamamayan ang itinakdang minimum public health and safety protocols na sadyang binalangkas bilang pag-iingat kontra sa nakamamatay na karamdaman.
Ayon mismo kay WHO Representative Rajendra Yadav, napipintong mangyari sa Pilipinas ang naganap sa South Korea kung saan pumalo sa 600,000 ang arawang bilang ng mga kaso bunsod ng kawalang ingat ng kanilang mamamayan.
Mas nakababahala rin anila ang panibagong COVID surge, kasabay ng pahayag na higit na perwisyo ang dala ng paglobong muli ng mga kaso kumpara sa mga naranasan nitong nakalipas na taon.
Gayunpaman, nilinaw ni Yadav na ‘di hamak na mas masunurin ang mga Pilipino kumpara sa mga Koreano pagdating sa pagtugon at pagsunod sa ipinaiiral na mga reglamento.
Sa puntong ito, hindi na kailangang dumating pa sa sukdulan ang sitwasyon sa bansa. Mas makabubuting tutukan ng pamahalaan ang campaign rallies ng presidentiables na talaga namang dinadagsa ng mga tao – bagay na lubhang ikinalulugod ng mga kandidato.
Ang totoo, hindi wastong matuwa ang mga kandidato kung malalagay naman sa peligro ang kanilang hinaharana para sa boto.
