(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TUTOL si dating executive secretary at ngayon ay senatorial aspirant na si Atty. Vic Rodriguez sa anomang pakikialam ng International Criminal Court o ICC sa Pilipinas.
Sa Sukatan ng Senatorial Aspirants Para Sa 2025 Midterm Elections na umere sa SMNI noong Sabado, sinabi ni Atty. Rodriguez na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.
“Hindi ako sang-ayon, at hindi ko rin kinikilala na may hurisdiksyon ang International Criminal Court dito sa ating bansa. Bukas po ang lahat ng baytang–bukas lahat ng antas ng ating korte,” aniya.
Binigyang-diin niya na gumagana ang lahat ng korte sa bansa kaya walang dahilan para pumasok ang dayuhan o ICC.
“Ang MTC, ang RTC, ang Sandiganbayan, ang Court of Tax Appeals, at ang ating Supreme Court-bukas po lahat ‘yan.
Kasalukuyan tayong nagkakaroon ng ganitong forum sa inyong estasyong SMNI. Kahit po ngayon, hindi ko po kayo pahihintulutang magsampa ng kaso direkta sa piskalya kung hindi kayo dumadaan sa katarungang pang-barangay. Even the barangay justice system is working.
Kaya, walang puwang ang International Criminal Court sa ating bansa,” diin ni Rodriguez na isa sa mga matapang na humarap sa tapatan kasama ang iba pang kandidato sa Senado.
Sa usapin naman ng bidding sa mga proyekto ng gobyerno, tinuran nito na nararapat gawing bukas sa publiko o i-live stream ang bidding processes upang maiwasan ang under-the-table deals o katiwalian.
“Ako ay sang-ayon na i-live stream ‘yang bidding process sapagkat ‘yan din ang isa sa sandigang pinaninindigan ng Hakbang ng Maisug at ipinanawagan– yung transparency. I am all for it,” ani Rodriguez.
