NILINAW ni Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi tatanggalin ang mga kasalukuyang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sakaling maitatag sa bisa ng batas ang mas makapangyarihang kapalit nito — ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC).
“Hindi ko lang naisama sa bill ko pero hindi sila papalitan. Hold over ang ICI members ngayon,” paliwanag ni Tiangco, na siyang may-akda ng House Bill (HB) 5699 na naglalayong gawing mas malawak ang kapangyarihan ng komisyon laban sa katiwalian sa mga proyekto ng imprastraktura.
Ang kasalukuyang ICI ay binubuo nina dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes, dating DPWH Secretary Rogelio Singson, at accountant na Rossana Fajardo.
Sa ilalim ng panukalang ICAIC, magiging limang miyembro na ang bubuo ng komisyon na pangungunahan ng isang justice mula sa Supreme Court o Sandiganbayan, at sasamahan ng mga kinatawan mula sa hanay ng mga engineer, CPA, academe, at mapagkakatiwalaang NGO.
Ayon kay Tiangco, hindi na papalitan sina Reyes, Singson, at Fajardo, kundi madaragdagan lamang ng mga kinatawan mula sa academe at NGO upang maging ganap ang bagong komisyon.
Kapag naisabatas, magkakaroon ang ICAIC ng mas matibay na kapangyarihan — kabilang na ang pagpapataw ng contempt, pagbawi sa mga nakaw na yaman, at pagsasampa ng kaso nang direkta, nang hindi na kailangang dumaan sa Department of Justice (DOJ) o Office of the Ombudsman.
(BERNARD TAGUINOD)
58
