Idi-disinfect pero ‘di isasara – Durante MALACANANG BUSINESS AS USUAL

INIHAYAG kahapon ni Presidential Security Group (PSG) Commander Colonel Jesus Durante, sa kabila ng may gagawing disinfection sa ilang bahagi ng Palasyo ay tuloy naman ang trabaho ng mga empleyado rito.

Aniya, magiging konsentrasyon ng disinfection ang mismong Palasyo ng Malakanyang partikular na ang second floor ng gusali, kung saan kadalasang ginagawa ang mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Bukod dito ay idi-disinfect din ang Heroes hall, Rizal hall, study room at ang lugar kung saan ginagawa ang cabinet meeting.

Ani Durante, walang suspensiyon ng trabaho sa Malakanyang kahit may gagawing disinfection.

Aniya, lalabas lamang pansamantala ang mga empleyado kapag isinasagawa na ang disinfection at pagkatapos ng isang oras ay babalik din ang mga ito sa kani- kanilang mga tanggapan.

Kaugnay nito, ikinukonsidera ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang pagsasagawa ng virtual press briefing sa Malakanyang.

Tugon na rin ito sa apela ng mga miyembro ng Malacanang Press Corps na magpasailalim na sa self-isolation at kumonsulta sa kinauukulan para sa kaukulang atensiyong medikal.

Sinabi ni COO Secretary Martin Andanar, kanila nang pinaplano ang naturang set up bilang opsiyon upang maging tuloy-tuloy at hindi mahihinto ang regular briefing na isinasagawa sa New Executive Building.

Ang hakbang ay ikinukonsiderang gawin matapos na makahalubilo ng MPC si Finance Asec. Tony Lambino  sa isinagawang media briefing kamakalawa na kilalang malapit kay Finance Secretary Carlos Dominguez na ngayon ay naka-self quarantine na.

Napaulat na nagpasya si Dominguez na mag-self quarantine matapos ma-expose sa isang indibidwal na kumpirmadong positive sa COVID-19 at kanyang nakasama kamakailan sa Senate hearing. CHRISTIAN DALE

197

Related posts

Leave a Comment