Ika-7 taon na at tatagal pa! ANIBERSARYO NG SAKSI NGAYON MATAGUMPAY NA IPINAGDIWANG

Ang ginawang pagbabasbas ni Fr. Venerando Yator, SVD ng Sacred Heart Parish Shrine, Ybardolaza St., Quezon City sa ika-7 anibersaryo ng SAKSI Balitang Totoo NGAYON sa opisina, at mga sasakyan, kasama ng mga empleyado nito sa #85 Unit F. Scout Rallos St., Brgy. Sacred Heart, Diliman, Quezon City.

PORMAL na ipinagdiwang ng mga empleyado ng SAKSI Ngayon Balitang Totoo (PeryodikoFilipino Inc.) ang matagumpay na ika-7 taong anibersaryo nito noong nakaraang Lunes, Enero 26, 2026.

Ang anibersaryo ay pinangunahan ni Fr. Venerando Yator, SVD ng Sacred Heart Parish Shrine, sa Ybardolaza St., Quezon City sa pamamagitang ng isang banal na misa na ginanap sa opisina ng SAKSI Ngayon sa #85 Unit F. Scout Rallos St., Brgy. Sacred Heart ng nasabi ring lungsod.

Sinimulan sa pagbabasbas ni Fr. Yator sa lahat ng kuwarto sa tatlong palapag na gusali, at mga sasakyan sa opisina ng SAKSI Ngayon.

Sa mensahe ni Fr. Yator, nakita niya ang pagpapala ng Panginoon sa publikasyon dahil sa kabila ng maraming nagsarang kumpanya noong panahon ng pandemic ay nanatiling nakatayo at nakapag-survive ang SAKSI Ngayon (PeryodikoFilipino, Inc.,) hanggang ngayon sa pamumuno ni General Manager James Andrada.

Kaugnay nito, sa tulong ng tapat na mga empleyado ng SAKSI Ngayon at suporta ng mga advertisers ay tiniyak ni Andrada na magpapatuloy ang operasyon ng publikasyon at news online sa mga susunod pang mga taon.

Bagama’t marami sa mga publikasyon ay nawala at nagsara na ang kanilang print media, ang SAKSI Ngayon Balitang Totoo ay nananatiling may print newpaper at news online.

Noong mga nakaraang anibersaryo ng SAKSI Ngayon, kasama ang Department of Environment and Natural Resources National Capital Region (DENR-NCR) ay nagsasagawa ng Tree Planting Activity sa Lamesa Plant Nursery, Quezon City, katuwang ang mga advertiser na walang sawang sumusuporta sa pahayagan.

Ngayong taon kaugnay sa pagdiriwang ng ika-7 anibersaryo ng SAKSI Ngayon, nakatakdang magsagawa rin ng Tree Planting Activity sa Pulilan, Bulacan sa February 20, 2026 ang mga empleyado, kasama ang mga advertisers nito. Layunin pa rin nito na magpatuloy ang nasimulang programa ng mga pamunuan sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim na may temang, One Tree, One Hope, One Country. Apat na taon na itong adbokasiya ng SAKSI Ngayon.

Magpapatuloy pa din ang mga isinasagawang programa ng SAKSI Ngayon, katulad ng gift giving, medical mission, Summer Saya, Balik Eskwela clean up drive, Coastal Clean up, Family Day, Grand Parents Day alay kay Lolo at Lola, National Children’s Month at Nutrition month na nagsasagawa ng Feeding Program, katuwang ang mga partners at advertisers sa mga Barangay at Elementary School sa iba’t ibang lugar sa bansa. Layunin ng SAKSI Ngayon sa mga aktibidad na ito ay para makatulong sa mga residente at mga mag-aaral sa munti man paraan.

Dahil dito, pinasasalamatan ng SAKSI Ngayon Balitang Totoo ang mga advertisers at iba’t ibang barangay officials, principals, mga guro, advertisers at ilang tauhan ng DENR-NCR na naging katuwang ng mga aktibidad ng media outlet.

Tiniyak naman ng pamunuan ng SAKSI Ngayon na patuloy pa rin ang paghahatid ng serbisyo para sa kapakanan ng mga Pilipino. Sa temang Saksyete pitong taon ng pagbibigay ng makabuluhang impormasyon at balitang totoo. Lubos ang pagpapasalamat namin sa Poong Maykapal sa patuloy na paggabay sa SAKSI Ngayon. (Joel O. Amongo)

37

Related posts

Leave a Comment