MAGSASAGAWA ng online protest sa Facebook si Senador Risa Hontiveros laban sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea at ang nakatakdang lagdaan na Anti-Terror Bill sa Araw ng Kalayaan, Hunyo 12.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kasama nito ang ilang personalidad at tinagurian niyang “Ipaglaban ang Pinas,” na magkakaroon ng livestream sa Facebook sa Biyernes.
“Filipinos will not cower before China,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na kanyang titipunin ang ilang grupo at stakeholders para sa Independence Day online rally bilang protesta sa patuloy na panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
“Habang busy tayo sa pagsugpo sa COVID-19, hindi pwedeng busy rin ang China sa pananakop ng ating mga isla’t teritoryo. Ang panawagan natin sa Araw ng Kalayaan: China lumisan,” ayon sa senador.
Tinaguriang ‘IPAGLABAN ANG PINAS’, matutunghayan ang protesta sa Facebook page ng mambabatas (fb.com/hontiverosrisa) dakong 10 ng umaga, sa Biyernes sa pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Kalayaan.
“China should respect Philippine sovereignty. It should leave our shores, and pay the Filipinos at least 200B pesos as reparation of their adventurism in the West Philippine Sea,” giit ng senador.
Lalahok sa online protest sina human rights lawyer Chel Diokno at artistang si Enchong Dee at Chai Fonacier.
Maghahandog naman ng kani-kanilang kanta sina Ebe Dancel, Noel Cabangon, Bayang Barrios at Cookie Chua.
Kaugnay nito, isasabay rin ni Hontiveros ang online protest laban sa Anti-Terrorism Bill at isinagawang pag-aresto ng pamahalaan sa mga nagpoprotestang drayber at estudyante. ESTONG REYES
