ANOMANG araw ngayong linggo ay ihahain na ng civil society groups ang ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na inaasahang ieendorso ng Makabayan bloc sa Kamara.
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, kailangang maisumite ang reklamo bago magbukas ang sesyon ng Kongreso sa Lunes, Enero 26, dahil sa mahigpit na patakaran na iisa lamang ang impeachment proceeding sa loob ng isang taon.
Noong Lunes, naunang naghain ng impeachment complaint si Atty. Andrei de Jesus, na inendorso ni Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie “Jett” Nisay. Gayunman, hindi pa ito itinuturing na deemed initiated dahil naka-recess pa ang Kongreso. Dahil dito, ihahabol umano ng Makabayan ang sarili nilang reklamo upang sabay na iaakyat sa Office of the House Speaker.
“Dead on Arrival”
Tinawag namang “dead on arrival” ang impeachment bid laban kay Marcos Jr. ng administration ally na si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Ayon kay Adiong, mahina at walang matibay na ebidensya ang reklamong inihain ni De Jesus kaya hindi ito uusad sa Kamara.
“In stark contrast, the accusations rely almost entirely on long-standing claims from vocal critics—without new, verifiable evidence,” ani Adiong.
Dagdag pa niya, para lamang sa media consumption ang reklamo dahil wala umanong house investigation, subpoenaed documents, o smoking gun proof.
Obligado si Sandro
Iginiit naman ni Bukidnon Rep. Keith Flores na obligado si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, bilang House Majority Leader, na iproseso ang impeachment complaint laban sa kanyang ama.
“Wala siyang choice. Kailangan talagang i-refer sa Committee on Justice,” ani Flores.
Sa Lunes ay inaasahang ipapasa na ng House Secretary General’s Office sa Office of the Speaker ang impeachment complaint laban kay Marcos Jr., kung saan may 10 session days si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III para isama ito sa order of business. “Kahit ama niya ang iniimpeach, wala siyang magagawa dahil ‘yan ang proseso,” diin ni Flores.
Sandro Dapat Hindi Bias
Mula naman sa Malakanyang, iginiit ni PCO Undersecretary Claire Castro na dapat ipakita ni Sandro Marcos na hindi siya bias sa paghawak ng impeachment complaint laban sa Pangulo.
“Whatever Congressman Sandro’s mandate is, he should implement it. He should not be biased,” ani Castro.
Nilinaw rin ng Palasyo na sagabal sa Pangulo ang impeachment complaint at hindi ito makabubuti sa imahe ng bansa at ekonomiya.
“Hindi ito maganda sa paningin ng tao, ng foreign countries, at ng ekonomiya,” dagdag ni Castro.
Detalye sa Unang Impeachment
Ang unang impeachment complaint ay isinampa ni Atty. Andrei de Jesus at tinanggap ni House Secretary General Cheloy Garafil. Kabilang sa grounds ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at graft and corruption, partikular sa umano’y anomalya sa 2025 budget at unprogrammed funds.
Isiniwalat naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice na si De Jesus ay dating abogado ni First Lady Liza Marcos, dahilan upang kuwestiyunin ang motibo ng reklamo.
Samantala, tinawag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na “drama” ang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.
“Kung seryoso kayo sa corruption, doon kayo sa may ebidensya. Pero kung drama lang ang hanap, impeachment ang props,” pahayag ni Pulong Duterte sa Facebook.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
57
