INIUTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, P/General Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagtugis sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa likod ng pagpapasabog sa Masbate na ikinamatay ng football player ng Far Eastern University at tiyuhin nito at ikinasugat ng pinsan nito.
“Again, lives were lost because of the hostile acts of this communist terrorist group. Iyong isa sa mga inosenteng sibilyan na naging biktima ng pagsabog, si Keith Absalon, malayo pa sana ang mararating kungdi dahil sa mga teroristang NPA,” ani P/Gen. Eleazar.
“Mariin naming kinokondena ang pambibiktima ng NPA sa mga inosenteng sibilyan at hindi kami titigil sa pagtugis sa mga teroristang ito,” ayon pa sa heneral. “Nakikiramay po ang buong PNP sa mga pamilya ng mga nasawi sa insidente.”
Samantala, inatasan din ng PNP chief ang lokal na pulisya sa Masbate na paigtingin ang kanilang police visibility upang tiyakin ang kaligtasan ng mga nasasakupan nito.
“I am directing our police commanders, particularly in NPA-infested areas, to be on high alert and undertake target hardening measures for possible future attacks by these communist terrorists,” pahayag pa ng opisyal.
Paniniguro pa niya, “I am also directing the local police to coordinate with the military and launch manhunt operations against the suspects. Hindi po kami titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosenteng nasawi at nasugatan sa pagsabog na ito”.
Magugunitang noong Linggo ng umaga, niyanig ng malakas na pagsabog ang Masbate na ikinamatay ng football player na si Kieth Absalon at ng 40-anyos tiyuhin nitong si Nolven Absalon.
Habang nilalapatan ng lunas sa Masbate Provincial Hospital ang 16-anyos na anak ni Nolven kasunod ng pagsabog ng improvised explosive device na hinihinalang itinanim ng mga kasapi ng komunistang New People’s Army, ayon sa sa ulat ng military.
Naitala ang pagsabog bandang alas-6:45 ng ng umaga sa Purok 4, Barangay Anas nang magulungan ng mga biktimang nagbibisikleta ang bombang sinasabing itinanim ng mga NPA.
“This might be a mere accident, they ran into the IED recklessly planted (by NPA rebels)…Their target are probably the uniformed personnel,” ayon pa sa pulisya. (JESSE KABEL)
