ILABAN PA RIN SANA ANG WPS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD
KUNG mayroon akong hindi nagustuhan sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang usapin sa West Philippine Sea (WPS) na inamin niyang inutil siya at wala siyang magawa dahil hawak na ng mga singkit ang ating teritoryo.
Napahiyaw ang mga kasama kong nanonood sa SONA ni Duterte nang aminin niya na wala syang magawa dahil sa pagkadismaya. Ilan sa kanila ay nagtanong, “pagsuko na ba ‘yan?”.
Sa isang banda naunawaan ko sya na walang kakayahan ang ating Armed Forces lalo na ang Philippine Navy na pumasok sa giyera para bawiin sa China ang teritoryong sinakop nila.
Walang sapat na kagamitan ang Navy natin dahil paisa-isa pa lamang ang pagbili natin ng mga makabagong kagamitang pandigma habang ang China ay pangalawa o pangatlo na sa buong mundo sa military power.
Pero sa panahon ngayon, hindi lahat ng bagay ay nadadaan na sa giyera. May mga international court na magpapasya at matindi na ang ugnayan ng mga bansa para i-pressure ang mga nasyon na nambu-bully sa mga maliliit.
Napatunayan na iyan nang manalo ang Pilipinas sa kasong isinampa sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at idineklara na ang mga teritoryong sinakop ng China ay pag-aari ng Pilipinas.
Ang dapat lang gawin ay mag-lobby ang Pilipinas sa international community para palayasin ang China sa ating te­ritoryo at siguradong kakampihan tayo ng mga bansang ito.
Hindi kailangang makipag-giyera at kapag gumamit ng puwersa ang China ay mayroon din sila kalalagyan kaya palagay ko, hindi nila isusugal ang kasalukuyan nilang kalagayan….hindi sila makikipaggiyera dahil lulubog sila at mauuwi sa wala ang kanilang ipinangangalandakan na pag-unlad.
Ang ikinatatakot ko lang ay baka lalong maging agresibo ang China na palawakin pa ang kanilang inaangking teritoryo sa WPS dahil alam nilang hindi papalag ang Pilipinas.
May dalawang taon pa ang Duterte administration para magawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin sa ating territorial water. Tandaan nyo, tina-target ng China ang Kalayaan Island na isang munisipyo na sakop ng Palawan.
Nakapaligid na ang puwersa ng China sa nasabing isla at hindi na ako magtataka kung isang araw ay tayo ang palalayasin sa islang ito dahil wala naman tayong magagawa sa kanila eh.
Lalo akong nangangamba sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon dahil hindi lang ang yaman ng karagatan ang inuubos na ng China kundi ang langis at gaas na nasa loob ng ating teritoryo na sinakop na nila.
Sana, magbago pa ang isip ng ating Pangulo dahil r­esponbilidad niya bilang pinakamataas na lider ng bansa na ipagtanggol ang teritoryo ng mga Filipino na kanilang pinamumunuan.
Bakit hindi gayahin ang Vietnam? Tulad ng Pilipinas hindi malakas ang kanilang military pero hindi sila sumusuko sa China.
Hindi dapat isuko ang ating soberenya na ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani tulad ni Gat Andres Bonifacio at mga Filipino na walang pangalan.
145

Related posts

Leave a Comment