SIMULA bukas (Lunes), ay isasailalim sa pitong araw na lockdown ang ilang lugar sa Antipolo City, bilang bahagi ng kampanya para mapigilan ang COVID-19 sa lungsod.
Kabilang dito ang: Sitio Upper Ruhat 3A, Brgy. Mambugan; 1st Street in Sitio Oreta, Brgy. San Isidro; Sitio Kamandag 3 sa boundary ng Barangay Bagong Nayon at Mayamot; Zapanta Compound sa Brgy. San Roque at ilang bahagi ng Sitio Tubigan, Brgy. Dalig.
Kabilang sa mga bahagi ng Sitio Tubigan ang Matalino street; Plaza Dilao; Maganda street; Masikap street at Mahinhin street.
Ayon kay Mayor Andeng Ynares, hindi papayagang lumabas ng bahay ang mga apektadong residente, maliban na lamang kung sila ay frontliners o may medical emergency, o hindi kaya ay authorized persons outside residence o APOR.
“Bagaman pinapayagan pa rin makalabas ang isang miyembro ng pamilya para sa mga essential goods tulad ng pamamalengke, magbibigay po muli ang pamahalaang lungsod ng food packs dalawang beses sa loob ng isang linggo,” pahayag ni Mayora Ynares.
Giit pa ng alkalde, magsasagawa ang siyudad ng mobile o offsite COVID-19 test sa mga residente ng lockdown areas, lalo na sa mga may sintomas at mga pasok sa vulnerable groups tulad ng mga senior citizen, buntis, mga may comorbidities o existing na sakit tulad ng diabetes, hypertension, cancer and dialysis patients, atbp.
“Inaasahan ang kooperasyon at disiplina ng mamamayan upang masiguro ang tagumpay ng ating isasagawang ECQ para sa inyong sariling kaligtasan,” hiling ni Mayor Ynares.
Ang lalawigan ng Rizal, kasama ang Antipolo City ay nasa General Community Quarantine (GCQ). (CATHERINE CUETO)
