ILANG NEWS AGENCIES BAYAD SA PANINIRA KAY ES RODRIGUEZ?

BISTADOR Ni RUDY SIM

HABANG patuloy na pinupunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang marami pang bakanteng posisyon sa ­gobyerno ay walang humpay pa rin na nadadagdagan ang pangalan ng ilang aplikante sa mahabang karera kung sino ang masuwerteng makaka-abot sa finish line upang maging bahagi ng Marcos administration.

Masusing hinihimay ang katauhan ng lahat ng mga nagnanais na magkaroon ng magandang puwesto sa pamahalaan kung saan ay isa sa mga pinagkatiwalaan ni PBBM ay si Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, upang pag-aralan ang kakayahan at hindi titingnan ang palakasan, maging pader man ang padrinong sinasandalan ng mga ito.

Bagamat marami ang sumuporta at nakatulong sa UniTeam at kay PBBM sa nagdaang halalan na mga politiko at ilang malalaking grupo, ay hindi ito sapat upang isugal ng Pangulo at ni ES Rodriguez, ang kapakanan ng maraming Pilipino na muling magamit ang political connection para magpayaman sa sarili gamit ang kapangyarihan na ipagkakatiwala sa mga ito.

Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na dumaraan sa ­matinding pagsala nina ES Rodriguez, ay ang Bureau of Immigration (BI) na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling OIC ang namumuno rito. Ang layunin ng pamahalaan ay upang maiwasan ang nangyari sa pagsisimula ng pamahalaan noon ni PRRD, na sinamantala ang tiwala na ibinigay sa kanila ng dating pangulo.

Agad na P50-M bribery scandal ang bumungad nang ireklamo ang dalawang Deputy Commissioner ng BI na sina Al Argosino at Michael Robles na nakunan pa ng CCTV habang nasa isang sikat na hotel, sa pagtanggap at pagdala ng bribery money kapalit ang pagpapalaya sa nahuling illegal Chinese POGO workers sa Clark, Pampanga.

Hindi nagtagal kahit nakasuhan at nahatulang mabilanggo ang ­dalawang opisyal ng Sandiganbayan, ay muling nabulabog ang ­ahensya sa tinawag na “Pastillas Scheme” na muling ikinasira ng nagdaang pamahalaan. Bagamat kung ating imbestigahang maigi ang nangyari ay mababatid na mayroong umabuso sa kanilang ­kapangyarihan at mayroon ding naging sacrificial lamb dahil sa ­”conspiracy theory” upang pagtakpan ang operasyon ng “Mafia.”

Dahil sa magandang layunin ni ES Vic Rodriguez na tinaguriang “Little President”, na labanan ang korapsyon ay tila muling nagagamit ng sindikato ang aming hanay sa “media” na sirain ang pagkatao ni ES Rodriguez. Hindi kaila lalo sa aming matatagal na sa pamamahayag,

na ang ilan sa aming mga kabaro ay nagpapagamit upang sirain ang isang tao kapalit ang malaking halaga at pangakong bibigyan ng puwesto.

Labag man sa “code of ethics” ng journalism ang pumuna sa ­pagkakamali ng aming mga kasamahan ay nararapat lamang na baguhin na ang bulok na sistema upang maging patas sa aming pagbibigay impormasyon.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

154

Related posts

Leave a Comment