MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga kabayani!
Magkasalungat ang kwento ng ilang opisyal ng gobyerno at mga OFW leader sa totoong pangyayari sa Hong Kong kaugnay nang napaulat na pag-abandona ng mga employer nila dahil dinapuan sila ng COVID-19.
Agad na nakipag-ugnayan si dating OWWA Board of Trustee Dok Chie Umandap, first nominee ng AKOOFW party-list, sa gobyerno para tulungan ang mga kababayan nating OFW sa Hongkong na pinagkakaitan ng serbisyong medikal at tinatanggihan ng mga amo dahil nagpositibo sa COVID-19.
Mga ka-Saksi, tinawagan ni Dok Chie ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment at OWWA para umaksyon agad sa natanggap na report sa pagtulog ng mga OFW sa kalye ng HK at hindi pa sila kumakain matapos abandonahin ng mga employer nila.
Sinabi ni Umandap na dapat magbukas ng temporary shelter ang OWWA-POLO para sa mga inabandonang OFW sa HK.
Kung ligtas at negatibo naman sa virus ang mga OFW, kinakailangan na magsagawa ang gobyerno ng emergency repatriation flight.
Nakalulungkot po ang sinapit na karanasan ng mga kabayani nating OFW sa Hong Kong dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon matapos ang selebrasyon ng Chinese New Year nitong February 1.
Naging viral sa social media ang report na ilang Filipino domestic workers sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19 ang diumano’y pinabayaan na lamang ng kanilang mga employer dahil sa takot na mahawa ng virus.
Sa report ng South China Morning Post, halos 30 OFWs ang naging “homeless” at napilitang matulog sa parke at kalye ng Hong Kong sa gitna ng malamig na panahon habang ang ilan ay tinanggihan naman na mabigyan ng medical treatment sa ilang hospital doon.
Kung na-discharge naman sa ospital, tumatanggi rin ang kanilang mga amo na makauwi sa bahay nila, kaya napilitan silang magpahinga sa labas ng ospital.
Karamihan sa mga OFW ay kararating lang sa Hong Kong at ang ilan naman ay papauwi na sa Pilipinas pero hindi sila pinasasakay sa eroplano kung positibo sa COVID-19.
Umaabot naman sa 4 na libong OFWs na pabalik sana ng HK ang hindi rin pinapayagan na makabyahe dahil sa Omicron surge at paghihigpit ng otoridad doon.
Kinumpirma ni DOLE Sec. Bebot Bello III na may 41 OFWs ang nagpositibo sa COVID-19 sa Hong Kong pero wala namang nasa kritikal na kondisyon.
Nagbabala si Sec. Bello na pananagutin ang mga employer na pinabayaan ang mga OFW sa HK dahil ipinagbabawal aniya ito sa batas doon.
“Walang manggagawang inabandona sa kalsada, naghihintay lang sa ambulansya dahil hindi sila pwedeng kunin ng ordinaryong transportasyon,” giit ni Bello.
Inihayag naman ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na natulungan na nila ang sampung OFWs na sinasabing pinabayaan ng kanilang employers at wala na silang natanggap na anumang ulat sa iba pang OFWs.
“Yun pong sampu ay napabayaan ngunit ito po’y nasabat na po natin. Sila po’y natulungan na po natin. Lagi po kaming nakaantabay sa kanilang tawag kung nangangailangan sila ng tulong,” paliwanag ni Philippine Consul General Raly Tejada.
Nagkaroon lang daw ng kalituhan sa proseso ng Hong Kong government dahil na-overwhelmed o punuan ang mga hospital doon kaya natagalan sila sa pila at hindi naasikaso kaagad.
Nailagay naman sa maayos na kalagayan ang mga nabanggit na Pinoy at nabigyan na rin ng mga kaukulang tulong ng ating gobyerno.
Ayon kay OWWA Admin. Hans Leo Cacdac, walong OFWs ang nasa isolation facility at patuloy na mino-monitor ng kanyang tanggapan.
Giit ni Admin. Cacdac, mayroon pang dalawang OFW na umano’y natanggal sa trabaho pero nakumbinse ang employer na maibalik sila at tinanggap muli.
Binigyang-diin ni Cacdac na hindi sapat na ground ang pagiging asymptomatic ng isang OFW para ma-terminate siya sa trabaho.
“There should be some place or holding area for domestic workers who are waiting to be accommodated in isolation facilities in Penny’s Bay, at the airport or in hospitals, or in isolation or quarantine hotels, there should be some arrangement,” ayon sa isang concerned OFW leader sa HK.
Maging ang Palasyo ng Malakanyang sa pamamagitan ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ay nagsabing tumutulong na ang gobyerno sa mga OFW sa HK.
Ayon kay Nograles, kabilang sa naibigay na tulong ng gobyerno ang pagkain, shelter at hygiene kits sa mga OFW na nagpositibo sa COVID.
Nakikipag-ugnayan na rin anya ang POLO sa isang NGO at HK Labor Office para tulungan ang mga OFW na tinamaan ng COVID-19.
Bukod dyan, meron pang ibinibigay na 200 dollars ang OWWA para sa mga Pinoy na nagkasakit ng COVID-19.
Para sa inyong komento, suhestyon at reaksyon, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com.
