ILANG PAGLILINIS PA KAILANGAN PARA LUMINIS ANG PNP?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PAULIT-ULIT na lang ang pangako ng Philippine National Police (PNP) sa tuwing magpapalit ito ng liderato na magkakaroon ng paglilinis sa kanilang hanay. Pero mukhang puro salita lang, hanggang press release ika nga. ‘Yung babala sa tiwali o bugok sa kanilang hanay tila pagkatapos ng camera flashes, nagkalimutan na.

Hanggang ngayon, marami pa ring pulis ang nasasangkot sa karumal-dumal na krimen. May sangkot sa rape, pagpatay, kidnapping, pagnanakaw, extortion, etc. Taliwas sa kanilang motto na “to serve and protect,” ang naririnig ng taumbayan. Sa halip na protektor, sila pa mismo nasasangkot sa krimen. Oo, ga-tuldok lang kung ihahambing ang mga ‘utak-kriminal’ sa kabuuan ng kanilang hanay, pero dahil bugok nga at umaalingasaw ay nadadamay ang marami kaya hindi maaaring ipagsawalang-bahala.

Tulad na lang ng nangyari sa sinibak na station commander ng Malate Police dahil sa robbery na kinasangkutan ng anim niyang tauhan sa Makati City. Damay pa ang buong Station Drug Enforcement Unit. Kung totoo ang mga alegasyon, malinaw na hindi ito simpleng “isolated case.” Parang may sistema o isa nang kultura.

Noong Pebrero rin ng nakaraang taon, sampung police officials ang pinakasuhan ng National Capital Region Police Office dahil sa umano’y pagsisilbi ng pekeng arrest warrant at panloloob sa bahay ng isang ginang sa Taguig City.

Sabi noon ng NCRPO ay “airtight” ang ebidensya. Tiniyak na may sapat na basehan ang reklamo. Nakabinbin na ang pagsusuri ng Department of Justice (DOJ) para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa korte. May administrative investigation din. Sinibak din agad sa pwesto ang mga sangkot.

Pero narinig na natin ito dati.

Ang mas nakaaalarma, hindi ito iisang insidente lang.

Noong August 2, 2023, binaril at napatay ng mga pulis sa Navotas ang 17-anyos na si Jemboy Baltazar matapos mapagkamalang suspek.

August 20 naman, isa na namang menor de edad, ang 15-anyos na si John Frances Ompad, ang nabaril at nasawi sa Rodriguez, Rizal. Dalawang menor de edad sa loob lamang ng isang buwan.

At sino ang makalilimot sa viral na insidente ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales? Nanuntok, nagmura, at nagkasa pa ng baril laban sa isang siklista sa gitna ng kalsada.

Mahaba na ang listahan at patuloy pang nadaragdagan.

Kapag paulit-ulit ang ganitong balita, hindi na sapat ang pagsibak. Hindi na sapat ang suspension. Hindi na sapat ang press release. May tunay bang pagbabago o cosmetic overhaul lang habang patuloy ang kultura ng abuso?

Ang tiwala ng publiko ay hindi basta napapako sa memo. Hindi ito nabubuo sa isang speech kundi sa consistent na pananagutan. Sa malinaw na transparency. Sa mabilis at patas na hustisya.

Kung seryoso ang liderato ng PNP, kailangang lampasan ang ritwal ng “relief and reshuffle.” Kailangang ipakita na ang paglabag ay may tunay na kapalit at hindi proteksyon, hindi palusot, hindi delay.

Ang paglilinis ay hindi dapat slogan kundi resulta.

4

Related posts

Leave a Comment