ILOG-PASIG GUMANDA PERO HINDI NILINIS

HINDI sapat ang pagandahin ang makasaysayang Ilog Pasig. Ang dapat dito, linisin.

Ito ang giit ng San Miguel Corporation (SMC) kasabay ng anunsiyo ng programang pinondohan ng bilyun-bilyong piso ng nasabing kumpanya sa layuning maiwasan ang pagbaha sa Metro Manila at mga baybaying lokalidad sa paligid ng Laguna de Bay.

Bilang pambungad, dalawang bilyong piso agad ang inihatag ng SMC sa programang linis-ilog sa pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa ilalim ng nasabing programa, literal na hinalukay ng SMC ang Ilog Pasig na sakop ng Pandacan at Malakanyang kung saan tinatayang 54,000 metriko tonelada ang naiahon mula buwan ng Hulyo.

Nakatakda na rin umpisahan ang paglilinis ng daluyang tubig sa mga bahagi ng C-5 (Marikina River) junction, sa Manila Bay at maging sa Makati-Estrella area.

Sa datos ng DENR, lumalabas na ang dating 12.5 metrong lalim ng Pasig at Marikina River ay nasa pagitan na lang ng 1.5 hanggang 2 metro.

Makakatulong din ang paglilinis ng Ilog Pasig para sa pagbabawas ng siltation sa Laguna de Bay. Ang target – tatlong milyon metriko tonelada ng basura at putik mula sa Pasig River o ang katumbas na 50,000 metriko tonelada ng basura kada buwan sa susunod na limang taon.

“Sa paglilinis at pagpapalalim ng Ilog Pasig ay magpapataas ng kapasidad nito bilang daluyan ng tubig baha galing sa Marikina River na kadalasang napupunta sa Laguna Lake. Kung lilinisin natin ang mga ilog na yan, maaaring mabawasan ang pagbahang nararanasan ng

Marikina at maging mga lungsod at bayan sa Laguna tulad ng Calamba, San Pedro, Biñan, Sta. Cruz at Pila, sa Laguna tulad nung naranasan noong Bagyong Ulysses,” wika ni Ramon Ang, president and vice chairman ng SMC.

Ang San Miguel ay magsasagawa rin ng river channel enhancement program para sa mga ilog na kasama sa Marilao-Meycauayan-Obando River System (MMORS) sa Bulacan.

“Kahit meron o walang PAREX ay lilinisin pa rin namin ang Ilog Pasig. Adbokasiya na namin ang water sustainability. Noon pa man ay naglilinis na kami ng mga ilog sa mga komunidad. Simula 2000 ay sinimulan naming ang paglilinis ng Tullahan para makabawas sa pagbaha at suportahan ang rehabilitasyon ng Manila Bay,” wika ni Ang.

Ayon kay Ang, mahalaga ang paglilinis ng ilog upang di na maranasan pa ang malubhang pagbaha na naranasan ng Pasig at Marikina noong Bagyong Ondoy noong 2009. (CYRILL QUILO)

519

Related posts

Leave a Comment