BAGO pa man magsara ang taon, inilabas ng Bureau of Customs (BOC) ang imbentaryo ng mga lumapag na bakuna at iba pang medical supplies na kailangan ng pamahalaan kontra COVID-19 mula buwan ng Pebrero hanggang sa ikatlong linggo ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Batay sa datos ng BOC, umabot na sa 202 kargamento ang pumasok at dumaan sa iba’t ibang pasilidad sa saklaw ng kawanihan. Sa nasabing ulat, lumalabas din ini-release ang mga nasabing kargamento sa 164 batches (bugso).
Sa tala ng kawanihan, pinakamarami ang pumasok na bakunang CoronaVac na gawa ng Sinovac ng China na may 50.03 million doses. Pumangalawa naman ang bakunang gawa
ng Pfizer na may kabuuang bilang na 36.6 million doses,
sinundan ng AstraZeneca na may 22.02 million doses, Moderna na may 14.6 million doses, Sputnik-V na may 10 million doses, Johnson & Johnson na may 3.24 million doses, Sinopharm na may 1 million doses at Haya Vax na may 100,00 doses.
Sa nasabing mga bakuna, tatlo ang gawang Tsina – CoronaVac, Sinopharm at Haya Vax.
Hindi naman bahagi ng imbentaryo ang aktuwal na bilang ng mga binili at donasyong idinaan sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
