HINDI pa rin dapat maging kampante si Health Secretary Francisco Duque III na hindi siya makasasama sa makakasuhan kaugnay sa iregularidad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Presisential spokesperson Harry Roque, panimula pa lamang naman ang ginagawang imbestigasyon ng task force PhilHealth kaya’t malaki ang posibilidad na may susunod pang irerekomendang makasuhan ang mga ito.
“Gaya ng sinabi ko po, panimula pa lang naman po ito because they had very limited period of time given to them by the President na 30 days,” ayon kay Sec. Roque.
Ikinagulat kasi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi kasama si Sec. Duque at iba pang opisyal ng PhilHealth na inirekomendang kasuhan ng task force ng Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y iregularidad sa ahensiya.
“Ipagpapatuloy pa po ang imbestigasyon ng DOJ, magpapatuloy pa po ang imbestigasyon ng Ombudsman,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa ulat, dismayado si Sotto na hindi kasama si Sec. Duque at si resigned PHilhealth Senior Vice President for Legal Sector Rodolfo del Rosario Jr. sa inirekomendang sampahan ng kaso.
Tanong ni Sotto, bakit wala sina Duque at Del Rosario gayung malinaw umano ang nakasaad sa Article 217 ng Revised Penal Code, kaya umaasa siya na iba ang magiging perspektibo ng Ombudsman kapag inihain na nila ang mga kaso.
Sa kabila nito, pag-uusapan pa umano nila ni Sen. Panfilo Lacson ang pag-abswelto kina Duque at del Rosario dahil ito ang dumiskarte sa mga rekomendasyon na nakasaad sa report ng Committee of the whole.
Kaugnay nito, sinisilip pa rin ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang iba pang leads batay sa mga ebidensya na kanilang nakolekta laban sa mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian sa state insurer.
Kaya malayo pa umano sa katotohanan ang imbestigasyong isinasagawa ng anti-corruption body sa kabila na inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang paghahain ng mga kaso laban sa ilang opisyal ng state-run firm.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, hindi kailangang madaliin ang imbestigasyon upang ang mga impormasyon na makukuha ay maayos na maa-analyze at mapanagot ang lahat ng mga sangkot.
Sa gitna nito, tiniyak ni Belgica na ibibigay nila kay Pangulong Duterte ang PACC reports.
Matatandaang, sinabi ni Belgica na irerekomenda nila kay Pangulong Duterte ang pagsasampa ng kaso laban sa 36 na mga opisyal ng PhilHealth na sangkot umano sa malawakang korapsyon.
Aniya, naisumite na nila ang rekomendasyon sa Office of the President.
INUPAKAN SA SENADO
Samantala, hindi tinanggap ni Senate President Vicente Sotto III ang palusot ni Health Secretary Francisco Duque III na wala siyang pinirmahan na dokumento sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) kaya wala siyang pananagutan sa anomalya sa PhilHealth.
Sa panayam, sinabi ni Sotto na base sa karta ng PhilHealth, wala talagang kapangyarihang bumoto si Duque bilang chairman of the board ng kompanya pero imposible umanong hindi nito alam na ilegal ang pagpapalabas ng P14.5 bilyon sa IRM.
“Ikinalulungkot kong sabihin ng napakasagwa ng mga palusot nila. Napakasagwa,” ayon kay Sotto.
Sinabi pa ni Sotto na inaakala ni Duque at Department of Justice (DOJ) na hindi binasa ng Senado ang PhilHealth law.
“Hindi naman talaga bumuboto iyong chairman eh. Non-voting, nakalagay doon. O anong klaseng palusot yung dahil hindi pumirma, talagang hindi pipirma, pero alam niya hindi pipirma,” giit ni Sotto.
“Ang tanong dito, ang ibig mong sabihin, balewala yung mga Zoom meeting na umattend siya? Zoom meeting na nagbu-bull session yung executive committee at saka yung members ng board? Nandoon siya, may pruweba na umattend siya, ano ang ibig sabihin, dahil 67 hindi niya aasikasuhin yun? Walang kwentang palusot,” ayon pa kay Sotto.
“Bagsak siya sa Article 217 of the revised Penal Code. Alam ng DOJ yan kaya yung nagsasalita, aba eh kinalulungkot kong sabihin, hindi maganda yung palusot mo,” giit ng lider ng Senado.
Kamakailan,inabsuwelto ng DOJ-Led PhilHealth task Force sina Duque at dating PhilHealth VP Rodolfo del Rosario sa pananagutan sa maanomalyang pagpapalabas ng P14.5 bilyong pondo sa IRM. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)
