SA gitna ng agam-agam kung magiging makatotohanan ang ikinasang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa anomalya sa flood control projects, tila naman nasa ‘stage of denial” ang liderato ng Kamara sa isyu na marami sa kanila ang may construction company.
Sa press conference, hindi nagbigay ng categorical na sagot si House spokesperson Atty. Princess Abante ukol sa isiniwalat ni Sen. Panfilo Lacson na umaabot ng 67 hanggang 80 congressmen ang contractor.
“Wala po akong information dun sa binanggit na mga numero na diumano ay mga contructors. Hindi naman nag-expound si Senator Lacson,” sagot ni Abante.
Ang Kamara sa pamamagitan ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ay nagsimula na sa kanilang inisyal na imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects.
Gayunpaman, sinabi ni Lacson na umaabot sa 80 congressmen ang may construction company na posibleng sangkot umano sa mga anomalya sa flood control projects na pinuna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) at sinabihan ang mga sangkot sa anomalya kasama na ang mga kontraktor ng “Mahiya naman Kayo!”
Nang tanungin si Abante kung kakalkalin ito ng liderato ng Kamara, sinabi nito na “nasa committee na po siya so we will await kung ano ang next step ng committee ni Chair Ridon, kung ano ang magiging susunod na pangyayari sa hearing na sinimulan nila”.
Kumpiyansa rin si Abante na sa kabila ng isyung ito, may kredibilidad aniya ang Kamara na magsagawa ng patas na imbestigasyon.
(BERNARD TAGUINOD)
