IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL MESS, GINUGULO?

NAGTATAKA si Senate Blue Ribbon Committee chairman Panfilo Lacson kung bakit determinado sina Senador Imee Marcos at Senador Rodante Marcoleta na na guluhin ang pagdinig kaugnay sa iregularidad sa flood control projects.

Sinabi ni Lacson na kwestyonable sa kanya kung ano ang end game ng dalawang senador kaya’t patuloy sa paggambala sa kanilang imbestigasyon.

Tinuligsa rin ni Lacson ang anya’y walang basehang mga kritisismo ni Marcos laban sa Blue Ribbon Committee, kahit hindi naman ito dumalo sa alinman sa mga pagdinig na kanyang pinamunuan.

Pinabulaanan niya ang pahayag ni Marcos na pinagbawalan niya ang mga miyembro na iugnay ang ilang personalidad, gaya ni dating Speaker Martin Romualdez, sa isyu.

Kasabay nito, nagbabala si Lacson na may naghihintay na double whammy sa mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sakaling bawiin nila ang kanilang mga sinumpaang salaysay sa flood control anomalies.

Sinabi ni Lacson na hindi lamang sila mananagot sa kasong perjury at hindi rin naman mapapahina ang mga kasong binubuo laban sa mga sangkot.

Itinakda naman ni Lacson sa January 19, ala-1:00 ng hapon ang pagpapatuloy ng pagdinig sa anomalya.

Sibakan sa DPWH

Samantala, inalis sa pwesto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Lunes, ang ilang regional directors at iba pang opisyal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Kabilang sa mga nasibak sina: Rehiyon 4A – Jovel G. Mendoza; Rehiyon 5 – Virgilio C. Eduarte; Rehiyon 7 – Danilo J. Villa; Assistant Regional Directors: Rehiyon 4B – Neil C. Farala; Rehiyon 5 – Annie S. Dela Vega; at District Engineers na sina Metro Manila 3rd District Engineering Office Ruel V. Umali, at South Manila DEO – Manny B. Bulusan.

Naalis naman dahil hindi nakaabot sa mga kwalipikasyon ng Civil Service Commission (CSC) sina: OIC District Engineers: La Union 1st DEO – Sheryl Ann Gonzales; Iloilo City DEO – Roy Pacanan; Leyte 4th DEO – Peter Scheller.

Nagpapasalamat naman si DPWH Sec. Vince Dizon sa mga bagong aplikante dahil sa kabila aniya ng kinahaharap na isyu ay mayroon pa ring nagtitiwala sa kagawaran.

(DANG SAMSON-GARCIA/JOCELYN DOMENDEN)

31

Related posts

Leave a Comment