Imbestigasyon sa paglabag sa health protocols patuloy SINAS ‘GUILTY’ – DOJ

“GUILTY” si General Debold Sinas sa ‘krimeng’ nagawa niya noong Mayo 8, 2019.

Ganito ang paniniwala ni Justice Secretary Menardo Guevarra na dapat ipataw kay Sinas sa dalawang kasong isinampa laban sa kanya upang mag-isyu ng presidential pardon si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Guevarra, patuloy pa ring iniimbestigahan ang dalawang kasong isinampa laban kay Sinas at iba pang opisyal ng Philippine National Police (PNP) makaraang maganap ang “mañanita” sa kanyang ika-55 taong kaarawan noong Mayo 8, 2019.

Ani Guevarra: “The DOJ (Department of Justice) prosecutor has to complete the preliminary investigation. Executive clemency may come only after a finding of guilt. If there’s no finding of guilt, there’s no room for the application of executive clemency”.

Nilinaw ng opisyal ang prosesong legal makaraang muling ipagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sinas hinggil sa kontrobersiyal na kaarawan.

Direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Sinas nang maganap ang “sorpresa” umanong pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Camp Bagong Diwa, himpilan ng NCRPO.

Kagyat na umani ng kaliwa’t kanang kritisismo si Sinas dahil nakita sa mga litratong na-post sa Facebook account ng NCRPO na nalabag ang social distancing at mass gathering sa pagdalo ng ilang opisyal at mga miyembro ng PNP.

Nakita rin ang ibang opisyal na walang face mask.

Kagyat na ipinagtanggol si Sinas nina Duterte at General Archie Francisco Gamboa, hepe ng PNP sa panahong iyon.

Naganap ang lahat nang ito habang aktibo ang mga pulis sa panghuhuli sa mga residente sa Metro Manila dahil sa sadya at lantarang paglabag sa Republic Act No. 11332, o ang “Mandatory

Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.

Dahil dito, sinampahan ng kaso ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) at ng National Bureau of Investigation (NBI) si Sinas, limang heneral at iba pa sa piskalya ng lungsod ng Taguig.

Bukod sa dalawang kaso, itinuro rin si Sinas ng human rights groups na dahilan sa pagdami ng mga namatay sa kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga at pag-abuso ng mga pulis noong siya ang direktor ng PNP-Central Visayas mula Hulyo 2018 hanggang Oktubre 2019.

Inakusahan din si Sinas sa nasabing panahon na nagpakana ng agresibong pagkilos ng PNP laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga kaliwang aktibista dahil sa inilunsad niyang “Oplan Sauron”.

Ang salitang Sauron ay sipol na hinalaw sa “Lord of the Rings”.

Isa sa mga kontrobersiyal na pagpatay sa mga kawal ng NPA ay ang pagkamatay ng 14 magsasaka sa Negros Oriental noong Marso 2019.

Iginiit ni Sinas noon sa media na namatay ang 14 na mga miyembro ng NPA makaraang manlaban sila habang ipinatutupad ng mga pulis ang search warrants laban sa kanila.

Tahasang binatikos ang PNP – Negros Oriental ng mga kaliwang organisasyon, kabilang na si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Sa kabila ng mga nasabing reklamo laban kay Sinas, itinalaga siya ni Duterte na hepe ng PNP nitong Nobyembre 10.

Hindi kasama si Sinas sa tatong heneral na inirekomenda ni Interior Secretary Eduardo Año kay Duterte na maging kapalit ni General Camilo Cascolan.

Nagtapos si Sinas sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1987 at kasabayan niya si Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar. (NELSON S. BADILLA)

156

Related posts

Leave a Comment