(Ni NOEL ABUEL)
Walang makakapigil at tuloy na tuloy na ang isasagawang pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersyal na Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ito ay kahit hindi dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III dahil na rin sa may outbreak ng dengue sa bansa.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, maaari namang pagbigyan si Duque kahit hindi ito physically present sa gagawing pagdinig.
“Totoo namang may outbreak ng dengue. So that much pwede naman pagbigyan. Although sabi ko nang nag-usap-usap tayo sa Kapihan pwede umandar ‘yan maski hindi siya physically present sa pag-iikot-ikot. Be that as it may, bayaan natin wala na muna siya at pwede naman matuloy ang pagdinig, marami naman issues na pwede pag-usapan doon maski hindi kaharap si Sec Duque,” paliwanag ni Lacson.
Habang pumayag naman si dating DOH Sec. at ngayo’y Rep. Janette Garin na dumalo sa pagdinig ng Senado kahit may parliamentary courtesy ito.
“Sabi ko naipagpaalam ko kay Cong. Garin at willing siya mag-testify doon sa aspeto kung saan sinuspendi niya ang operation ng Doctors Pharmaceutical Inc., pati cease-and-desist order. Kasi acting general siya ng FDA noong kasalukuyang SOH siya. At least ‘yang portion na ‘yan mahalaga matalakay ‘yan dahil dudugtong ‘yan sa overstocking of supply,” sabi ng senador.
Base aniya sa inisyal na nakita ay nasa P39M worth ng Japanese encephalitis ang nag-expire noong nakalipas na buwan ng Mayo kung kaya’t hindi ito nagamit.
“May oversupply ng amoxicillin, ito ang produktong sinu-supply ng DPI. So hindi naman kalakihan ang halaga, wala pang P1M pero pera pa rin ‘yan. Nilista ng COA kung ano ang overstocked at expired kaya maganda mapag-usapan doon bakit nangyayari ang overstocking. Ang sinusunod ngayon dapat ang procurement 2 months lang. Ang 2 months na gamit ‘yan lang ipo-procure mo. Ang encephalitis, halimbawa, kasi Sanofi rin nag-supply ng Dengvaxia. So Sanofi rin ang supplier ng Japanese encephalitis. May na-receive ng napakalaking quantity ng gamot noong November. Pero may nakita kaming certificate na parang mag-produce nitong Enero nitong taon. Dapat tingnan natin,” paliwanag pa ng senador.
