HINAMON ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia si Sen. Imee Marcos na magpakita ng matibay na ebidensiya kaugnay ng alegasyon nito na gumagamit ng illegal na droga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos ang kanyang pahayag sa Quirino Grandstand.
Ayon kay Goitia, ang akusasyon ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay dapat suportado ng test results, medikal na ulat, o opisyal na dokumento. Wala umanong maipakitang anomang patunay si Sen. Marcos.
“Kung seryoso ang paratang, dapat seryoso rin ang ebidensya. Hindi puwedeng puro galit at drama ang ihain sa publiko,” ani Goitia.
Binigyang-diin niya na sumailalim si Pangulong Marcos sa drug test sa St. Luke’s Medical Center noong 2021 at nagnegatibo sa cocaine, batay sa dokumentong isinumite at pinatotohanan ng mga opisyal ng ospital sa Senado.
Idinawit din umano ni Sen. Marcos ang Unang Ginang Liza Araneta-Marcos nang walang inilalahad na ebidensiya, bagay na tinuligsa ni Goitia. Aniya, hindi dapat ginagamit ang sinoman, lalo na ang Unang Ginang, sa anomang pampulitikang isyu nang walang sapat na batayan.
Habang mainit ang akusasyon, iginiit ni Goitia na tuloy ang trabaho ng Pangulo at malinaw ang direksyon ng pamahalaan.
“Makikita sa araw-araw na trabaho kung sino ang totoong naglilingkod. At malinaw iyon sa ginagawa ng Pangulo,” wika niya.
Dagdag pa niya, dapat maging maingat ang bawat opisyal sa pagbibitaw ng pahayag, lalo na kung walang kasamang matibay na pruweba. Aniya, hindi nakatutulong sa bansa ang mga alegasyong walang substansya at hindi dapat gawing batayan ng paghusga.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
70
