CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMI ang nakapansin sa panlalamig ng mga botante kay Senator Imee Marcos. Katunayan, parang spaghetti na pababa nang pababa ang kanyang pwesto sa mga survey.
Tila ba dumadaan sa matinding pagsubok ngayong 2025 midterm elections ang ate ni Pangulong Bongbong Marcos. Kung magpapatuloy ang matabang na pagtanggap sa kanya ay malamang na ito pa ang maging dahilan ng kanyang pagkatalo.
Hindi kasi malinaw ang paninindigan ng senadora sa pagitan ng kapatid na si PBBM at malapit na kaibigan na si Vice President Sara Duterte.
Ang bagay na ito ay nagdudulot ng kalituhan sa kanyang mga tagasuporta na maaaring magpahina sa kanyang tsansa sa eleksyon.
Sa maraming pagkakataon, namamangka sa dalawang ilog ang senadora.
Heto ilan sa mga pruweba, noong Oktubre 2024, nagbanta si VP Sara na ipahuhukay ang labi ng kanilang ama, si dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr., mula sa Libingan ng mga Bayani kung hindi ititigil ng House of Representatives ang imbestigasyon sa paggamit niya ng pondo.
Sa kabila ng pagyurak sa dangal ng ama, nanatili si Imee sa panig ni Sara.
Nagpahayag pa nga siya ng pagtutol sa impeachment trial kahit naghuhumindig ang mga ebidensiya laban sa Bise Presidente. Nang arestuhin naman si dating pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga alegasyon ng mga pagpatay at krimen laban sa sangkatauhan, muling ipinamalas ni Imee ang kanyang suporta sa mga Duterte sa halip na pumanig sa administrasyon ng kapatid.
Hiniling pa niya ang agarang imbestigasyon ng Senado ukol sa pag-aresto, na lalong nagpatingkad sa kanyang hindi tiyak na paninindigan.
Pinuna rin ang hindi niya pagdalo sa kampanya ng administrasyon na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” sa Tacloban noong Marso 14, 2025 matapos ang pag-aresto kay Digong.
Sa kanyang pahayag, humingi siya ng paumanhin sa mga Waray at sinabi na hindi niya matanggap ang nangyari kay Duterte, na inaresto ng ICC noong Marso 11.
Aniya’y pinag-aaralan niya ang mga pangyayari upang maliwanagan ang sambayanan at makabuo ng makatotohanang solusyon patungkol sa sinasabing “pagtangay” sa dating pangulo.
Ang ganitong estratehiya ni Imee ay tila hindi epektibo. Makikita kasing pababa nang pababa ang kanyang ranggo sa mga pre-election surveys.
Bagaman ikinadidismaya ng senadora ang pagbaba niya sa survey rankings, wala naman siyang agresibong kampanya para makabawi, mas pinili nga niyang manalangin para sa “The Punisher” kaysa tutukan ang mga resulta ng survey.
Ang kakulangan ng matibay na paninindigan ni Imee ay maaaring nagpapahina sa kanyang kampanya.
Sa pulitika, mahalaga ang pagiging matapat sa prinsipyo upang makuha ang malawak na suporta ng publiko.
Ang kanyang pag-aalangan at pag-iwas sa pagdedesisyon sa pagitan ng dalawang makapangyarihang puwersa sa pulitika ay maaaring magdulot ng pagkawala ng tiwala ng mga botante—isang sitwasyong siguradong magreresulta sa kanyang pagkatalo sa darating na halalan sa Mayo.
