NAGLATAG si Senate Majority Leader Francis Tolentino ng posibleng impeachment calendar upang matapos ang pagdinig sa mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte bago matapos ang 19th Congress.
Ito ay sa gitna ng paninindigan ni Tolentino na kapag hindi natapos ang pagdinig sa impeachment complaint hanggang June 30 ay maituturing na itong functionally dismissed.
Sa rekomendasyon ni Tolentino, magko-convene ang Senado bilang impeachment court sa June 11 at bibigyan ng summon si VP Sara kung saan nakasaad na mayroon siyang 10 araw o hanggang June 21 upang sagutin ang reklamo.
Ang reply naman ng prosecutors ay sa June 22 na susundan ng submission trial brief sa June 23 kasabay na rin ng opening statement sa hapon.
Isasagawa naman ang presentation of evidence sa bahagi ng prosecution ng June 24 hanggang 25 habang sa depensa ay June 25 hanggang 26.
Kung kinakailangan anya ng rebuttal ay maaari itong gawin sa June 27 at kinabukasan, June 28 ay ang oral arguments.
Ilalaan naman anya ang June 29 para sa closed door meeting ng senator-judges at sa June 30 ay ang judgment.
Binigyang-diin ni Tolentino na mangangailangan ito ng kooperasyon ng prosecution team na hinihimok niyang limitahan na sa dalawa o tatlo ang articles of impeachment upang nakapokus sa malalakas na alegasyon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
