IMPEACHMENT CASE ‘DI PWEDENG MA-DISMISS NANG WALANG PAGLILITIS

WALA umanong kapangyarihan ang Senado na ibasura ang Impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nang walang isinagawang paglilitis.

Ginawa ni House prosecutor Rep. Gerville “Jinky” Luistro ang paglilinaw matapos lumutang ang isang resolusyon sa Senado na inamin ni Sen. Ronald “Bato’ Dela Rosa na mula sa kanyang tanggapan, para idismiss ang impeachment case laban kay Duterte.

“Senate has no power to dismiss impeachment case without trial The Constitution is clear. Art XI Sec 3 Par 6, the Senate has the sole power to try and decide all impeachment cases,” paliwanag ni Luistro.

“There is no mention at all of dismissal which means it is mandatory that they conduct a trial and thereafter decide, whether for acquittal or for conviction,” dagdag pa ni Luistro na isa sa 11 mambabatas na lilitis sa Pangalawang Pangulo.

Ipinaliwanag ng mambabatas na maaari lamang magdesisyon kung aabsuweltuhin o papatawan ng parusa si Duterte pagkatapos ng paglilitis kaya labag sa saligang batas na basta na lamang idismiss ang kaso.

Samantala, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Kamara na susundin ng Senado na tatayong Impeachment Court, ang Saligang Batas.

“Hindi pa naman po, hindi pa naman po tayo tapos. Sabi ko nga, very optimistic ako dito sa mga mangyayari. Pinaghuhugutan ko ng lakas yung ating Constitution. Sabi ko nga, ang Constitution nandyan para protektahan ang taong bayan,” pahayag ni La Union Rep. Paolo Ortega V.

Mariin ding itinanggi ni Ortega ang pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sunud-sunuran sila kay Speaker Martin Romualdez.

“Wala pong inuutos sa ‘min si Speaker. Wala,” ani Ortega kung saan sinabi naman ni Manila Rep. Rolando Valeriano na hindi dikta ni Romualdez ang kanyang desisyon na ipa-impeach si Duterte kundi ng kanyang mga constituent.

Ganito rin ang reaksyon Bataan Rep. Geraldine Roman.

(BERNARD TAGUINOD)

27

Related posts

Leave a Comment