IMPEACHMENT CASE NI VP SARA ‘DI CRIMINAL CASE

Dahil hindi criminal case ang impeachment case laban kay Vice President’ Inday’ Sara Duterte-Carpio, hindi ito makukulong kung mahahatulan ng Impeachment court na guilty.

Ito ang nilinaw ng isa sa 11 House prosecutors na si 1-Rider party-list representative Rodge Gutierrez, nagsabing dalawa ang nilalaman ng ‘prayer’ ng 215 Congressmen na nagsilbing complainant sa impeachment case at ito ang “matanggal sa pwesto at perpetual disqualification sa public service” ang pangalawang pangulo.

“It’s, sui generis. We’ve always mentioned this. It’s more akin to an administrative matter po, no? Kasi the penalty, it’s not punitive,” paliwanag pa ng mambabatas.

“So hindi po siya strictly criminal. So yung strictest requirements of evidence that would apply to criminal case might not apply here,” pinuno ni Gutierrez.

Gayunpaman, hindi umano nagpapakampante ang prosekusyon dahil bagama’t sapat na umano ang hawak nilang ebidensya para makumbinsi ang mga Senator-Judge na guilty sa 7 article of impeachment si VP Sara, dapat pa ring makakuha sila ng mga karagdagang impormasyon.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil hihilingin umano nila sa impeachment court na ipa-subpoena ang mga bank transaction ni Duterte-Carpio upang malaman kung saan galing ang kanyang yaman at maging ang joint account nila ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na naglalaman umano ng ₱2 bilyon.

“For as much as possible, you would like to establish, even if you have a strong case, any prosecutor would like to have an even stronger case,” paliwanag pa ng mambabatas upang ihayag ang pag-asa nitong papayagan ng impeachment court na mai-subpoena ang mga bank transaction ng bise presidente.

“You don’t stop po just because you know that you have enough evidence. This is also venue po no para malaman na po yung katotohanan. It still would never hurt your case to be come prepared with even more evidence,” ayon pa rito.

Samantala, sinabi naman ni House assistant majority leader Amparo Maria Zamora na magiging election issue ang impeachment case ni VP Sara dahil dito malalaman kung ano ang paninindigan ng mga kandidato sa pagpapanagot sa mga opisyal na umaabuso at nanglulustay ng pera ng bayan.

“Absolutely naniniwala po ako na ito ay isang election issue dahil dapat natin tanungin ang ating mga hinahalal kung papaano ba, kung dapat bang panagutin ang mga tao patungkol sa pagwawaldas ng pera ng bayan, patungkol sa hindi paggamit ng tama ng pondo ng bayan,” punto ni Zamora. (PRIMITIVO MAKILING)

4

Related posts

Leave a Comment