PINABORAN ng Senate Impeachment Court ang dalawang procedural motion ng House Prosecution Team sa kabila ng pagtutol ng kampo ni Vice President Sara Duterte.
Pinayagan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng prosekusyon na kunin ang judicial notice ng mga naging pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability at House Committee on Justice.
Saklaw ng judicial notice ang mga opisyal na transcript, audiovisual recordings, at committee reports ng naturang mga pagdinig.
Nilinaw ni Escudero na kinikilala lamang ng korte ang pagiging opisyal ng mga rekord at hindi ang katotohanan ng mga testimonya, akusasyon, natuklasan, o konklusyong nakapaloob sa mga ito.
Binigyang-diin din niya na ang judicial notice ay hindi kapalit ng pormal na presentasyon at pag-aalok ng ebidensya at hindi rin inaalis ang mga panuntunan sa authentication, hearsay, relevance, at karapatan ng depensa na kuwestiyunin ang mga ebidensya.
Pinayagan din ng impeachment court ang paglipat ng exhibit markings mula sa provisional copies patungo sa certified true copies ng bahagi ng affidavit ng self-confessed dating miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Arturo Lascañas.
Ayon kay Escudero, ang affidavit ay iniharap lamang upang patunayang bahagi ito ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at hindi bilang patunay sa katotohanan ng nilalaman nito.
Aniya, ang paglipat ng exhibit markings ay isang procedural na hakbang lamang upang mapanatili ang maayos na pagkakakilanlan ng mga rekord ng korte at hindi nangangahulugang tinanggap na ang authenticity, admissibility, o evidentiary value ng affidavit.
Binigyang-diin ni Escudero na ang lahat ng ebidensya ay mananatiling sasailalim sa presentasyon, pagtutol, at pagsusuri ng impeachment court bago ito timbangin sa paglilitis.
(TINA MENDOZA)
56 