SINUSPINDE ng Malakanyang ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigan ng Abra, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, at Zambales ngayong Miyerkules, Agosto 5, 2026, simula alas-3:00 ng hapon dahil sa epekto ng Tropical Storm Maymay.
Nakasaad ito sa Memorandum Circular No. 121, na inilabas batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod ng patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng Tropical Storm Maymay at ng southwest monsoon o habagat.
Gayunman, inatasan ang mga ahensyang may kinalaman sa paghahatid ng basic at health services, disaster preparedness at response, at iba pang mahahalagang serbisyo na ipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Nilinaw rin sa memorandum na maaaring magpatupad ang mga local chief executive ng localized suspension ng klase at trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa kanilang nasasakupan alinsunod sa umiiral na batas, rules at regulations.
Samantala, ipinauubaya sa pamunuan ng bawat pribadong kumpanya at tanggapan ang pagpapasya kung magsususpinde ng trabaho.
Agad na naging epektibo ang memorandum na nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto sa kapahintulutan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
(CHRISTIAN DALE)
57 