IMPEACHMENT HINDI DAPAT IPAUBAYA LANG SA POLITIKO – INTON

NANINIWALA ang abogadong si Ariel Inton na hindi dapat ganap na ipaubaya lamang sa mga politiko ang proseso ng impeachment.

Ipinaliwanag ni Inton, presidente rin ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na sa ilalim ng Saligang Batas, hindi pinapayagan ang people’s initiative upang direktang simulan o pagdesisyunan ang impeachment case.

Aniya, ang Kapulungan ng mga Kinatawan ang may eksklusibong kapangyarihan upang magsimula ng impeachment, habang ang Senado ang may kapangyarihang litisin at magpasya.

Gayunman, sinabi niya na maaaring maghain ng verified complaint ang isang pribadong mamamayan, basta’t ito ay iendorso ng isang miyembro ng Kamara.

Iminungkahi rin ni Inton na dapat pag-aralan kung paano mabibigyan ng mas malaking partisipasyon ang taumbayan sa ganitong proseso, lalo na kung ang inihahalal na opisyal ay may direktang mandato mula sa publiko.

“Kung talagang para sa bayan ang impeachment ng presidente o bise presidente ‘di ba’t mas mainam na may ‘say’ ang taumbayan sa proseso dahil sila ang bumoto sa mga ito. Dahil lamang sa kapritso at interes ng ilang politiko ay mababalewala lang ito?” dagdag pa ni Inton.

Kung sa saligang batas ay may people’s participation sa paggawa at pagpasa ng batas, marahil dapat may say din ang tao sa impeachment proceedings. Masyadong maselan ang pagtanggal sa dalawang pinakamataas na pinuno ng bayan na ipagkakatiwala lang sa ilang politiko na may personal na interes at maaaring umabuso sa kapangyarihan, pahabol pang paliwanag ng abogado.

248

Related posts

Leave a Comment