SOLON: 180 BOTO PABOR SA IMPEACHMENT POSIBLE

POSIBLENG umabot sa 180 mambabatas ang boboto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno.

Ang bilang na ito ay higit sa kinakailangang one-third vote o 106 mula sa 318 miyembro ng Kamara upang maiakyat ang Articles of Impeachment sa Senado.

Ayon kay Puno, na chairman din ng National Unity Party (NUP), nasa 30 sa 55 miyembro ng kanilang partido ang inaasahang boboto ng “Yes.”

“Ang nakararami sa amin sa NUP ay pabor na ipadala ito sa Senado. May hardcore group pa rin na tutol at may ilan na nais mag-abstain,” ani Puno.

Ipinaliwanag niya na kung pagsasamahin ang boto mula sa iba’t ibang partido, kabilang ang Lakas-CMD, Partido Federal ng Pilipinas, Nationalist People’s Coalition (NPC), at party-list groups, posibleng maabot ang 180 boto.

“Kill Video,” Matibay na Ebidensya

Itinuturing naman ni House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na isa sa pinakamabigat na ebidensya sa impeachment ang video kung saan nagbanta umano si Vice President Sara Duterte laban sa Pangulo.

Ayon kay Defensor, ang naturang video ay hindi lamang simpleng banta kundi maituturing na “betrayal of public trust” at “high crime.”

“For me, the strongest remains the video… it’s a betrayal of public trust and a high crime,” ani Defensor.

Tinukoy ang video mula sa virtual press conference noong Nobyembre 23, 2024, kung saan inamin umano ni Duterte na nag-utos siya ng papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kinumpirma rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang video ay authentic at hindi gawa ng artificial intelligence.

Dagdag ni Defensor, nananatiling matibay ang iba pang ebidensya tulad ng isyu sa bank accounts, SALN, at paggamit ng confidential funds, lalo’t hindi umano ito nasagot ng Bise Presidente sa mga pagdinig.

Sa kasalukuyan, nasa plenaryo na ang committee report at nakatakda ang botohan sa Mayo 11.

(TINA MENDOZA)

127

Related posts

Leave a Comment