IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA MAPUPURNADA

MAPUPURNADA ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kapag dinismis ng Office of the Ombudsman ang kasong may kaugnayan sa kwestiyonableng paggamit sa confidential funds.

Sa isang panayam kay incoming Mamamayan Liberal (ML) party-list Representative-elect Leila de Lima, nangangamba ang mga ito na posibleng ideklara ng Office of the Ombudsman na walang probable cause ang kaso dahil dumiretso ang mga ito sa preliminary investigation (PI) imbes na fact-finding investigation.

“Kaya hindi mawawala sa isip ng iba, kasama na ako, perhaps this is shared by the members of Prosecution panel, baka, what if desisyunan agad yan pagkatapos mag-file ng counter affidavit ni VP Sara, baka desisyunan agad, huwag naman sana, na sasabihin na walang probable cause,” ani De Lima.

Hindi aniya ito malayong mangyari dahil kahit walang hurisdiksyon ang Office of the Ombudsman sa kaso ni Duterte lalo na’t nasa Impeachment Court na ito ay nag-imbestiga pa rin ang mga ito.

Ipinaliwanag ni De Lima na sa section 21 at 22 ng Republic Act (RA) 6770 o Ombudsman Act, maaari lamang mag-imbestiga ang Office of the Ombudsman sa isang impeachable official kung ang layon nito ay magsampa ng impeachment case.

“Nandyan na yung kaso sa Impeachment Court,” ani De Lima kaya kuwestiyonable umano ang aksyon ng Office of the Ombudsman. Base aniya sa batas, saka lang sila papasok sa eskena kapag na-convict o napatalsik na sa puwesto ang in-impeach na opisyal para sa kasong kriminal.

Dahil dito, sinabi ni De Lima na kapag inabsuwelto ni Ombudsman Samuel Martires si VP Sara ay maaaring gamitin ito ng depensa o kaya ng mga Senador na kaalyado ng Bise Presidente para ipadismis ang kaso.

Sa hiwalay na press conference, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, isa sa 11 prosecutor, na nasorpresa ang mga ito sa bilis magtrabaho ni Martires gayung wala pang karapatan ang mga ito na pasukan ang nasabing kaso.

Ipinaliwanag ni Chua na June 16 nang matanggap ng Office of the Ombudsman ang Committee report ng House committee on good government and public accountability hinggil sa kwestiyonableng paggamit sa confidential funds at matapos ang tatlong araw o noong June 19 ay pinasasagot na nila si VP Sara.

“So nagulat kami. Nasorpresa kami sa bilis ng trabaho ng Ombudsman,” ani Chua.

Hindi aniya pangkaraniwan ito subalit umaasa sila na magiging patas ang Ombudsman lalo pa’t noong November 2024 ay sinabi umano ni Martires na wala siyang nakikitang paglabag ng Bise Presidente sa isyu ng confidential funds.

(BERNARD TAGUINOD)

5

Related posts

Leave a Comment