IMPEACHMENT VS BBM NAKAUMANG NA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY natanggap tayong impormasyon na may magsasampa ng impeachment laban kay Pangulong Junjun Marcos ngayong pagpasok ng unang buwan ng taong 2026.

Marahil kasama sa mga reklamong ito ay ang pinakakorap na 2025 national budget at iba pang pagtataksil (betrayal) sa mga Pilipino.

Simula nang pumasok sa Palasyo ng Malakanyang si Junjun Marcos noong taong 2022 hanggang ngayon, ay puro kontrobersiya ang kinaharap ng kanyang administrasyon.

Wala pang isang taon sa kanyang pag-upo sa panunungkulan noon ay maraming gabinete na ang bumitiw sa kanya.

Lalo pang lumaki ang problema ng BBM admin nang pulitikahin nila si Vice President Inday Sara Duterte.

Ipinahuli ng BBM admin si dating Pangulong Rodrigo Duterte para madala at litisin ito sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Nakipagsabwatan umano ang BBM admin sa grupo ni Antonio Trillanes at iba pang galit kay Digong, para makasuhan sa ICC ang dating Pangulo sa kanyang war on drugs.

Isa sa pangunahing dahilan na ikinagalit ni PBBM kay Duterte ay nang ibulgar nito na drug addict umano si Junjun Marcos.

Nagkaroon ng bangayan ang kampo ni BBM at ng mga Duterte, sinampahan ng impeachment si VP Sara Duterte na idineklara naman ng Korte Suprema na unconstitutional.

Sinabi ni Junjun Marcos na hindi siya pabor sa impeachment laban kay VP Sara Duterte, subalit taliwas ang kanyang sinasabi dahil ang isa sa pangunahing pumirma sa planong pagpapatalsik kay Inday Sara ay ang kanyang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Bukod sa impeachment kay VP Sara ay marami pang ibinabato sa kanya para sirain ang planong nitong pagtakbo sa 2028 presidential election.

Ngayong papasok na February 2026 ay muli na namang sasampahan ng impeachment si VP Sara ng mga ayaw sa kanyang maging presidente ng bansa.

Isa na rito ang BBM admin dahil alam ni Junjun Marcos na kapag naging presidente si Inday Sara Duterte ay kulungan ang babagsakan ng kanyang pamilya.

Ngayong umuugong na may magsasampa ng impeachment laban kay Junjun Marcos, tuluyan na kaya siyang mapatalsik bilang Pangulo ng bansa?

Kamakailan may umugong din na posibleng magkaroon ng palitan ng Speaker of the House of Representatives na maaaring maging daan para maisampa ang impeachment laban kay BBM sa Senado.

Kung hindi man napababa si Junjun Marcos sa isinagawang mga kilos protesta, maaaring sa pamamagitan ng impeachment ay magtatapos ang kanyang panunungkulan sa Palasyo ng Malakanyang.

Si dinami-raming kontrobersiyang kinahaharap ng BBM admin ay mahihirapan siyang tapusin ang kanyang termino na magwawakas sa 2028.

Hindi rin niya natupad ang kanyang ipinangako na maraming magpa-Pasko sa kulungan na sangkot sa maanomalyang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Mahihirapan din na malusutan ni PBBM ang isiniwalat na pasabog ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na hinahatiran niya ang Pangulo ng male-maletang pera mula sa mga proyekto ng DPWH na punong-punong ng katiwalian.

###

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

30

Related posts

Leave a Comment