Pormal nang sinampahan kahapon, Enero 19, 2026, ng impeachment complaint si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng umano’y katiwalian sa pamahalaan, pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), at alegasyong paggamit ng ilegal na droga.
Agad na inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. at House Deputy Minority Leader Jernie Jett Nisay ang reklamong inihain ni Atty. Andre De Jesus, na kinumpirmang tinanggap ng House Secretary General na si Cheloy Garafil alas-8:45 ng umaga. Ayon kay Garafil, susundin ang itinakda ng Saligang Batas at House Impeachment Rules at ipapasa ito sa tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.
Sa 12-pahinang reklamo, inakusahan si Marcos ng graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust, kabilang ang umano’y pag-apruba sa pagsuko kay Duterte sa ICC, hindi pag-veto sa unprogrammed appropriations, at pagkakasangkot sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon pa sa reklamo, matagal na umanong inaakusahan si Marcos ng paggamit ng ilegal na droga, kabilang ang cocaine. Binanggit din na inamin ng kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos ang naturang alegasyon.
Itinuturing ni De Jesus na ang umano’y paggamit ng ilegal na droga ay isang malinaw na “betrayal of public trust,” lalo na’t patuloy umanong tumatanggi ang Pangulo na sumailalim sa drug test, gaya ng hair follicle test.
Hiwalay na Impeachment
Maghahain din umano ng hiwalay na impeachment complaint ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Pangulong Marcos.
Kinumpirma ito ng grupo matapos maisampa ang reklamo ni De Jesus. “Makabayan has its own impeachment initiative and will make an announcement at the proper time,” ayon sa pahayag ng bloc na binubuo nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Kabataan Party-list Rep. Renee Co, at Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago.
Ayon sa grupo, impeachable offense ang umano’y sistematikong pagnanakaw sa pambansang pondo at ang patuloy na paglobo ng unprogrammed appropriations na ginamit sa mga maanomalyang flood control projects. Iginiit din nila na may seryosong alegasyon na maging ang Palasyo ng Malacañang ay tumanggap umano ng kickback mula sa mga infrastructure project.
“In a time when no government agency has investigated Marcos’ involvement in these impeachable acts, impeachment becomes an important venue for accountability. Patuloy ang panawagan na lahat ng sangkot ay managot, simula sa tuktok,” pahayag ng mga mambabatas.
Proseso sa Kamara
Samantala, sinabi ni House Committee on Justice Chairperson Rep. Jinky Luistro na susundin nila ang itinakdang proseso sakaling tuluyang mai-refer ng Office of the Speaker ang impeachment complaint.
Sa isang ambush interview, ipinaliwanag ni Luistro na dahil iisang mambabatas pa lamang, sa katauhan ni Rep. Nisay, ang nag-endorso ng reklamo, dadaan muna ito sa committee level.
Batay sa impeachment rules, kung hindi aabot sa one-third ng mga miyembro ng Kamara ang mga complainant o endorser, isasailalim ang reklamo sa pagdinig ng komite na may 60 session days upang tapusin ang imbestigasyon.
Taliwas sa kaso ni Vice President Sara Duterte na hindi na dumaan sa committee level matapos lumagpas sa one-third ng mga miyembro ng Kamara ang mga nagsilbing complainant, kaya’t agad itong inakyat sa Senado bagama’t hindi naman nilitis.
Gayunman, hindi naniniwala ang Vice Chairperson ng Committee on Justice na si Bukidnon Rep. Keith Flores na susuportahan ng mayorya ng Kamara ang impeachment complaint laban sa Pangulo.
“The complaint will receive the consideration required by law. However, it would be inaccurate to ignore the fact that any impeachment effort must overcome both constitutional thresholds and the prevailing judgment of the overwhelming majority of House members, who may see no basis at this time for removing a duly elected President,” ani Flores.
Sagot ng Palasyo
Bilang tugon, sinabi ng Malacañang na kinikilala nito ang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos, Jr.
Sa inilabas na pahayag ng Presidential Communication Office (PCO), iginiit nitong nirerespeto nila ang proseso sa ilalim ng Konstitusyon.
“The Palace recognizes that the filing of complaints is part of the democratic process provided for under our Constitution. We respect this process and trust that Congress, as a co-equal branch of government, will discharge its duties with honesty, integrity, and fidelity to the rule of law” saad ng PCO.
Siniguro rin ng Malacañang na patuloy ang serbisyo ng Pangulo sa publiko, habang gumugulong ang proseso sa nasabing impeachment laban sa kanya.
“While these processes take their course, the President will continue to govern, ensuring that public services remain uninterrupted and that the work of government stays focused on improving the lives of our people,” saad ng PCO.
Tinuran pa ng PCO na nananatiling committed ang administrasyon sa ‘stability, accountability, and good governance’ sa gitna ng political development.
“Our institutions are strong, our processes are clear, and the administration remains committed to the betterment of every Filipino,” ang pahayag ng Malakanyang.
Walang Basehan — Dy
Bagama’t ipoproseso ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Marcos Jr., iginiit ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na wala itong sapat na batayan.
“Wala tayong nakikitang batayan na magbibigay-katwiran sa isinampang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. Malinaw na ginagampanan ng ating Pangulo ang mandatong ipinagkatiwala sa kanya ng taumbayan, alinsunod sa batas,” ani Dy.
Binigyang-diin ni Dy na seryoso at masusing proseso ang impeachment na dapat isagawa nang may lubos na pag-iingat at paggalang sa Saligang Batas.
“Hindi biro ang usapin ng impeachment. Responsibilidad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, alinsunod sa Konstitusyon, na tanggapin at suriin ang mga ganitong reklamo nang may buong pag-iingat,” dagdag niya.
Gayunman, nilinaw ni Dy na hindi nila hahayaang magamit ang impeachment process bilang kasangkapan sa pamumulitika o maging sanhi ng pagkakawatak-watak ng mamamayan.
Magbabalik-sesyon ang Kongreso sa Lunes, Enero 26, kung kailan inaasahang isusumite ni House Secretary General Cheloy Garafil ang verified impeachment complaint sa Speaker.
Batay sa House Impeachment Rules, may sampung session days ang Speaker upang isama ang reklamo sa Order of Business. Pagkatapos nito, kinakailangang maipasa ang reklamo sa House Committee on Justice sa loob ng tatlong session days.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
78
