IMPEACHMENT VS VP SARA MALULUSAW?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY mga nagsasabing posibleng kapusin na sa panahon ang Kamara at ang Senado sa kanilang paghahanda sa isasagawang pagdinig sa impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.

Nadagdag pa riyan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero kaugnay sa usapin ng impeachment kay VP Sara.

Nais ng Kamara na madaliin ng Senado ang pagdinig ng impeachment na nabinbin sa kanila dahil sa nagdaang 2025 Midterm Election.

Ayon kay Escudero, hindi pwedeng magpatuloy ang kaso na may isang panig lamang at wala ang kabilang panig.

“10-days nga ‘yun eh, nakalagay sa rules 10-days, kung June 3 naipadala ang abiso, June 30 matatanggap, adjourned na rin ang Senado, kung June 11 ipinadala, June 21 adjourned na rin ang Senado, may naiiwan na lang na ilang araw,” paliwanag pa ni Escudero.

“Ang bisa ng mga awtoridad ng mga prosecutor para ipagpatuloy ang trial nang walang panig mula sa kanila, tapos na ang kanilang awtorisasyon mula sa 19th Congress, hindi tulad ng Senado na semi continuing body na masasabi, ang Kongreso nagtatapos ito pagdating ng June 30 at anomang authorization na ibinigay sa kanila ay magwawakas na rin ‘yan sa June 30, ang private prosecutors kung may kukunin sila, ganoon din, hindi rin pwedeng lumampas ng June 30, kung ‘yung principal na nagbigay sa kanila ng authority by an agent eh wala na rin, dapat wala na ‘yun,” dagdag pa ni Escudero.

Narito naman ang kanyang sinabi sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, “Pwes, kung ang trabaho ng ilang mambabatas, maging sunud-sunuran kay Speaker Martin Romualdez na gusto klaro itong impeachment na ito, ay hindi namin trabaho ‘yan sa Senado, hindi ko rin trabaho ‘yan bilang taga-Pangulo ng Senado, para sa akin gagampanan namin ang aming tungkulin ayon sa aming paniniwala na tamang proseso na naaayon sa batas.”

Sapul si Romualdez sa sinabi ni Senate President Chiz Escudero, kala mo kayang diktahan ang taga-Pangulo ng Senado, nagkakamali ka, boy!

Dalawa ang maaaring mangyari sa impeachment, posibleng kapusin ng panahon ang Senado o kaya matuloy man pero madi-dismiss din dahil sa mahinang ebidensiya laban kay VP Sara.

Narito naman ang sinabi ni Congresswoman Rowena Guanzon na dati ring opisyal ng Commission on Audit (COA), “Ang problema sa confidential fund ay walang resibo, ang liquidation ng confidential fund ay ipapasok lang sa sealed envelope, pwede ba ilagay sa sealed envelope ang luyang dilaw? Sealed envelope ‘yan eh”.

Ipinaliwanag naman ni Ombudsman Samuel Martires sa pagdinig ng Kongreso ang kaugnay ng confidential funds, “Kung ang isang ahensiya ng gobyerno ay magsu-submit ng resibo, ay hindi na confidential funds ‘yun.”

Matatandaan noong Disyembre 2024, apat na impeachment complaints ang pormal na isinampa laban kay VP Sara Duterte na inaprubahan ng Kamara noong Pebrero 5, 2025.

Isa sa mga pumirma ay mismong anak ni PBBM na si Ilocos Sur Congressman Sandro Marcos. Minsan nang sinabi ng Pangulo na hindi raw niya kayang pigilan ang mga pumirma sa impeachment ni VP Sara kahit na ayaw niya rito. Bistado ka na PBBM, ‘di naniniwala ang mga Pilipino na ayaw mo sa impeachment ni VP Sara.

Ang mga inaakusa kay VP Sara ay “culpable violation of the constitution, betrayal of public trust, graft and corruption and other crimes.”

Ang mga ito ay kinapapalooban ng “Controversy over the use of confidential and intelligence funds for both the Vice President and Department of Education; Alleged assassination threat against President Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos, and the House Speaker Martin Romualdez; Involvement in extrajudicial killings of drug suspects.”

Sa kabila ng mga akusasyong ito ay hindi pa rin natitinag ang suporta ng mga Pilipino sa mga Duterte.

Sa Pulse Asia Survey noong Mayo 6-9, 2025 nakapagtala ng 50% trust rating si VP Sara, si Pangulong Duterte ay may 63%, samantalang bumulusok naman pababa si PBBM sa 32%.

Baka dahil sa impeachment na ito ay lalo pang tumaas ang trust rating sa susunod na survey kay VP Sara, at ito na rin ang posibleng magdala sa kanya sa Palasyo ng Malacañang pagkatapos ng 2028 elections.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

5

Related posts

Leave a Comment