Import allocation naman ng isda DA TINANGKANG BRASUHIN NI ZALDY CO

TINUMBOK ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. si dating House appropriations chair at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co matapos isiwalat na tinangka umano nitong mambraso para makakuha ng import allocation ng isda.

Sa budget hearing ng DA sa Kamara, tinanong ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon kung bakit hindi bumababa ang presyo ng galunggong sa kabila ng malakihang importasyon. Binanggit nito ang ilang kumpanya, kabilang ang fishing firm ng pamilya ni Navotas Rep. Toby Tiangco, para ipasilip kay Laurel kung sinu-sino ang malalaking importer.

Aminado si Laurel na ang kumpanya ng pamilya Tiangco ay kabilang sa may pinakamalaking alokasyon, ngunit iginiit niyang matagal na itong nasa industriya at nagbabayad ng buwis. Sa puntong ito, ibinulgar ng kalihim na maraming kumpanya ang tinanggalan ng allocation dahil sa mga nakitang iregularidad noong nakaraang administrasyon.

“Ayaw ko sanang sabihin pero may Congressman na humingi ng malaking allocation. Hindi ko pinagbigyan at ang pangalan nun ay Zaldy Co,” pasabog ni Laurel.

Dagdag pa niya, pinilit umano ni Co na bigyan ng alokasyon ang tatlong kumpanya kabilang ang ZC Victory Fishing Corporation. “We have been forced to give him 3,000 containers at that time which I don’t agree. Pinipilit niya kami na mag-issue ng import permit habang may formula na kami,” giit ni Laurel.

(BERNARD TAGUINOD)

239

Related posts

Leave a Comment