INA NI CHRISTINE DACERA NAGPASAKLOLO NA KAY PDU30

TILA nawalan na ng pag-asa si Sharon Dacera na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang anak na si Christine Dacera matapos siyang manawagan kamakailan kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan siya.

Hindi kasi kumbinsido ang matandang Dacera na walang foul play sa pagkamatay ng kanyang anak na flight attendant noong Enero 1, 2021 sa Room 2209 ng Garden Grand Hotel sa Makati City.
Nakita kasi sa bangkay ni Christine na may mga pasa sa ibat-ibang parte ng kaniyang katawan at may indikasyon din daw na hinalay ito.

Sinabi pa ng ginang na bago pa maganap ang pagkamatay ng kanyang anak (Christine) ay nakausap niya pa ito sa pamamagitan ng celphone at masayang-masaya raw ito.
Nabigla na lamang siya nang ibalita sa kanya ng isa sa kaibigan ni Christine na wala na ito matapos na matagpuang patay sa bathtub ng nasabing hotel.

Duda rin ang kampo ng mga Dacera sa autopsy report ng Philippine National Police (PNP) dahil inuna muna nila ang pag-­embalsamo sa bangkay bago isinagawa ang pag-autopsiya.
Pinamunuan ni PMajor Michael Nick Sarmiento, Medico Legal Officer ang isinagawang pag-autopsiya sa bangkay ni Christine.

Lumalabas na ang ikinamatay ni Christine ay “ruptured aortic aneurysm” na kung saan ay naputukan daw ng malaking ugat sa utak ang biktima.

Maging si Dr. Raquel Fortun na kilalang forensic ­pathologist ay hindi kumbinsido sa ginawa ng pulisya na inuna muna ang pag-embalsamo ng bangkay bago isinagawa ang pag-autopsy.
Paano naman malalaman kung may foul play ngang naganap sa pagkamatay ni Christine kung ganyan ang ginawa ng PNP?

Kung baga lahat ng posibleng ebidensiya ay nabura na dahil sa pag-embalsamo sa bangkay.

Ay naku PNP, kelan kayo matututo!? Lagi na lang kayo napupulaan.

Sabi tuloy ni Dr. Fortun na normal na hilaw ang imbestigasyon sa Pilipinas dahil wala o kulang sa training ang mga nagsasagawa ng autopsiya.

Kaya ayon at sa pamamagitan ni Atty. ­Benedicto Malcontento na Prosecutor General ng Department of Justice ay ipinag-utos na pakawalan ang tatlong hinuling mga suspek ng PNP dahil sa kakapusan ng matibay na mga ebidensiya na ang biktima ay ginahasa.

Wala kasing isinumiteng katibayan ang pulisya sa piskalya na magpapatunay na hinalay nga ang biktima.

Ika nga wala raw nakasaad sa medico legal na may semen, kaya hindi sila makapagdesisyon kung may rape o wala. Parang ang nangyari dito ay masabi lang na naisampa na ang kaso laban sa mga suspek. At sinundan pa ng pagsasabi ng ilang opisyal ng PNP na case close na ang pagkamatay ni Christine.

Sabi naman ni NCRPO Director Gen. Vicente Danao, Jr., hindi pa sarado ang kaso dahil wala pa ngang nadidiin na mga suspek. Lalo tuloy gumulo ang imbestigasyon dahil hindi magkakatugma ang sinasabi ng mga opisyal ng PNP.

Kaya hindi natin maiwasan na magduda ang ina (Sharon) ni Christine sa isinasagawa ng pulisya. Kaya nagpasaklolo na siya kay Pangulong Duterte.

Sa pinakahuling natanggap na impormasyon ng PUNA pumasok na raw sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigasyon (NBI).

Naglabas na rin sa kanyang social media account itong nakitang kahalikan ni Christine na lalaki na si ­Valentine Rosales na nakunan ng CCTV na papasok sa kuwarto ng hotel na wala raw nangyaring panggagahasa sa dalaga.

Inamin ni Rosales na bakla siya at katunayan boyfriend niya si Gregorio de Guzman, ang anak ni Claire dela Fuente na isa ring itinuturong suspek.
Hindi rin daw siya ang nanguna sa paghalik sa dalaga.

Sa nauna nating kolum ay may lumutang na ­maaaring love triangle o selos ang dahilan ng pagkamatay ni Christine.

May mga lumutang din na impormasyon na hindi lang labing isa (11) ang kasama ni Christine sa hotel kundi labing anim sila (16) na may nakasama pa umanong artista.

Kaya dapat managot din ang pamunuan ng hotel dahil malinaw na may paglabag ito sa health protocols na ipinatutupad ng gobyerno.

Ganun pa man abangan na lang natin ang kalalabasan ng imbestigasyon ng NBI.

Naniniwala ang PUNA na hindi papayag si Pangulong Duterte na hindi mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktimang flight attendant.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

99

Related posts

Leave a Comment