(NELSON S. BADILLA)
INUPAKAN ni Manila Mayor Isko Moreno si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio sa pag-iikot nito sa iba’t ibang lugar na hindi sakop ng kanyang kapangyarihan.
Hindi diniretso ni Moreno ang birada niya kay Duterte – Carpio, ngunit tanging ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alkalde ng lungsod na kitang-kitang nagtutungo sa ibang lalawigan.
Nang matapos ang kanyang State of the City Address (SOCA), idiniin ni Moreno na: “This is not the right time for taking pictures, aligning, partnership with politicians. Kasi ‘yung mga politiko sila-sila lang naman nakikinabang diyan. Wala naman kapakinabangan ‘yang mga political alliances for now”.
Ang tinutukoy ng alkalde ay ang muling pagpapatibay ng alyansa ng Hugpong ng Pagbabago (HnP) at ng Lakas – Christian Muslim Democrats (Lakas – CMD) party na isinagawa ilang araw na ang nakalipas.
Itinatag ang HnP ni Duterte – Carpio noong 2018 kung saan mga gobernador sa mga lalawigan ng Davao Region ang kasapi nito.
Ang Lakas – CMD ay kasalukuyang pinamumunuan ni Majority Leader Martin Romualdez ng Leyte.
Ang kinikilalang pinuno ng Lakas – CMD ay si Gloria Macapagal Arroyo, dating pangulo at dating House speaker.
Bukod sa nasabing partido, mayroon pang apat na political parties ang ibinalita ng isang kongresistang bantog sa pagiging “balimbing” ang handa umanong suportahan ang kandidatura ni Duterte – Carpio sa pagkapresidente.
Binigwasan din ni Moreno si Carpio sa pagtungo nito sa iba’t ibang lalawigan, kabilang na ang Cebu.
Idiniin niya na: “As mayor, you have an obligation to stay in your city. Come October, decisions will be made… I’m just going to think about it. I won’t go around talking to whichever politicians and parties and so on and so forth.”
Ang Cebu ay mayroong tatlong milyon botante na kinikilalang pinakamarami sa bansa.
Napabalitang nagpunta si Carpio sa Cebu kung saan inamin niya sa mga mamamahayag na nakabase sa lalawigan na “open” siyang tumakbo sa pagkapresidente sa halalang Mayo 9, 2022.
Nitong Huwebes, itinalaga ni Carpio si Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco bilang kanyang karagdagang tagapagsalita.
Si Frasco ay anak ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia.
Ang isa pang tagapagsalita ni Carpio ay si dating Davao del Norte Governor Antonio del Rosario na HnP secretary – general.
Maliban sa ‘pagkabit’ ng Cebu sa puwersa ni Carpio, nagkaroon ng kasunduan sina Carpio at alkalde ng Zamboanga City na maging “sister city” ang dalawang lungsod.
Sinamahan si Carpio ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco, executive vice – president ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban), samantalang kinatawan ito ng Marinduque.
Si Moreno ay dalawa sa mahigpit na posibleng makalaban ni Carpio sa pampanguluhang eleksyon.
Ang isa pa ay si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasapi ng Nacionalista Party (NP) si Marcos.
Sina Carpio, Moreno at Marcos ang nangunguna sa pinakabagong sarbey ng Pulse Asia sa mga posibleng kandidato sa pagiging pangulo.
Isinagawa ang sarbey nitong Hunyo 7 hanggang 16.
