MULING hiniling nina House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang pagsasagawa ng ‘independent bidding’ ng energy supply contracts upang hindi magdusa ang mga konsyumer sa mataas na bayarin sa kuryente.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Colmenares na ‘welcome’ naman sa kanila ang anunsiyo ng power company na kanilang babaguhin ang ‘terms of reference’ (TOR) para sa bidding ng kanilang 1,200-megawatt supply requirement sa susunod na 20 taon, subalit, kailangan umanong tiyakin ng Department of Energy (DOE) na hindi nito lilimitahan ang mga lalahok dito.
Duda si Colmenares na walang mangyayaring ‘genuine bidding’ kapag ang isang kompanya ang magsasagawa nito kung saan ang mga konsyumer naman nito ang labis na magdurusa.
“We hope that the new TOR responds to our call for a truly open and competitive bidding by allowing for example brownfield or existing power plants, which can offer lower prices, to bid,” ayon pa kay Colmenares.
Kasabay nito, pinayuhan din ng Bayan Muna ang DOE na i-publish ang bagong TOR upang mapag-aralan at mabuksan sa mga konsyumer para agad matutulan o mahadlangan ang anomang probisyon na nakasaad doon na makapipinsala sa kanila.
Samantala, hinimok ni Zarate na bawiin ang DOE Circular No. (DC) 2018-02-003, na nag-aalis sa independent third party na naatasang mangasiwa sa ‘transparent power supply bidding.’ (TJ DELOS REYES)
