TODONG suporta ang ibinigay ni dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa buong senatorial slate ng tinatawag niyang “Alyansa Para sa Pagbabago”.
Si Pimentel, na ngayo’y tumatakbo bilang kongresista ng unang distrito ng Marikina, iginiit na ang mga kandidato ng Alyansa ay subok na sa serbisyo—mga beteranong mambabatas, gobernador, alkalde, kongresista, at dating miyembro ng Gabinete—na may alam sa trabaho at tunay na malasakit sa bayan.
“‘Pag sila ang nailuklok sa Senado, siguradong may katuwang si Pangulong Bongbong Marcos sa pagpasa ng mga batas at pagtupad ng kanyang mga programa para sa bansa,” ani Pimentel.
Aniya, naramdaman niya mismo ang sinseridad at pagmamalasakit ni Marcos sa mga Pilipino, anoman ang kulay ng pulitika.
“Lahat tayo ay sakay sa iisang barko. Kaya dapat lang na tulungan natin ang ating Pangulo na magtagumpay sa huling tatlong taon ng kanyang termino,” dagdag pa ni Pimentel.
Binida ni Pimentel ang mga tumatakbo sa ilalim ng senatorial slate ng administrasyon, na aniya’y may konkretong karanasan sa pamumuno at pagsisilbi sa publiko.
“May mga batas na silang naisulat, may mga lugar na silang naibangon mula sa kalamidad, at may mga ahensyang kanilang pinatakbo. Alam nila ang dapat gawin,” diin niya.”Kaya sa kapwa ko Pilipino, iboto po natin ang buong tiket ng Alyansa. Gamitin ang inyong KoKote!” paalala ni Pimentel.
