GRUPO NG BUMBERO UMAPELA SA COMELEC

SA pagdiriwang ng International Firefighters day, muling umapela ang Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list sa Commission on Elections (Comelec) na ipasa na ang resolusyon na nagbibigay sa kanila ng pagkilala bilang tunay na kinatawan ng sektoral na grupo bago nila tuluyang ihimlay ang kanilang ikatlong nominee na pinatay kamakailan sa Maynila.

Pinangunahan ng unang nominee na si Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia ang apela kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.

Sila umano ang lehitimong party-list group, No. 134 dahil sa katotohanang ang pinaslang na si Leninsky Bacud ang orihinal na nagtatag ng grupo.

“Sapat na ang isang buhay. Hindi na namin kayang pakawalan ang isa pa. Umaapela kami sa iyo Commissioner Garcia na ipasa agad ang resolusyon na nagbibigay sa amin ng nag-iisang legal na representasyon ng Ang Bumbero ng Pilipinas party-list,” dagdag ni Goitia.

Aniya, naniniwala sila na mananaig ang hustisya bagaman ilang araw na lang ang natitira bago ang halalan.

Kasabay nito, ibinunyag ni Giotia na nagsampa si Bacud ng kasong perjury at falsification of public documents sa Office of the Prosecutors sa Quezon City at Manila laban sa sampu katao na umano’y nagpapakilalang mga bagong opisyal ng ABP.

Sa reklamo, sinabi ni Goitia na pineke ng grupo ang pirma ni Bacud at lahat ng incumbent board of directors na nagdedeklara na sila ay nagbitiw sa kanilang puwesto noong Pebrero 19, 2024.

Ang pagbibitiw ng mga lehitimong opisyal ng ABP ay naganap lamang sa panahon ng pangkalahatang pagpupulong at espesyal na regular na pagpupulong na may petsang Mayo 13, 2024 na ginanap bilang pagsunod sa Articles of Incorporation at by-laws ng ABP.

“Iyon ang oras na nagkaroon ng halalan at ako ay nahalal bilang bagong presidente ng ABP at si Bacud bilang bise-presidente,” sabi ni Goitia.

Kwento pa niya, kasama si Bacud ay naghain sila ng petisyon noong Oktubre 2024 na kumukuwestiyon sa legalidad ng kabilang grupo na nagpapanggap na kinatawan din ng ABP. Itinaas ni Comelec 2nd Division presiding officer Marlon Casquejo ang kaso bilang default noong Enero 17, 2025 dahil sa hindi pagharap ng mga petitioner sa nararapat na abiso ng petsa at oras ng pagdinig.

Nag-alok ng isang milyong pabuya ang ABP sa mga makapagbibigay ng wastong impormasyon na maaaring magbigay liwanag at mauwi sa pagkakaaresto sa mga suspek at utak sa pagpatay kay Bacud.

41

Related posts

Leave a Comment