QUEZON – Sugatan ang mayor ng bayan ng Infanta sa lalawigang ito, matapos na tambangan ng hindi kilalang mga suspek habang lulan ng kanyang sasakyan nitong Linggo ng tanghali.
Ayon sa inisyal na report ng pulisya, galing sa simbahan ang biktimang si Mayor Filipina Grace America at sakay ng kanyang SUV pauwi sa kanilang bahay nang tambangan ng mga suspek sa hindi kalayuan sa simbahan.
Tinamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mayor na agad isinugod sa ospital. Mabilis namang tumakas ang mga suspek.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng pamamaril ang pitong basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng pamamaril.
Ayon kay Quezon Governor Danilo Suarez. nakatakdang i-airlift ang biktima patungo sa ospital sa Maynila. (NILOU DEL CARMEN)
