NANINIWALA si Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na makakaya na ng gobyerno na hindi magpatupad pa ng alert level system pagsapit ng Marso o Abril.
Sinabi ni Concepcion na nasanay na kasi aniya ang mga tao sa mga ipinatutupad na health safety protocol sa nakalipas na 22 buwan.
Sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni Concepcion na pabagsak na ang level of infection na nililikha ng Omicron variant at ang pasya ng IATF na alisin na ang quarantine restrictions sa mga turista at OFW ay isang indikasyon na nagsisimula na tayong mag-move on.
Maituturing aniyang “good news” na naibalik na rin ang maraming lugar sa Alert level 2 gaya ng NCR habang naroroon din aniya ang kanyang pag-asa na Alert level 1 na sa katapusan ng Pebrero ang Metro Manila.
Giit ni Concepcion, kakayanin kung tutuusin na tanggalin ang alert level system basta siguraduhin lang na tuloy ang pag-oobserba ng minimum health protocol at gawing walang patid ang pagbabakuna.
Kooperasyon
ng publiko
Kaugnay nito, ang de-escalation o pagbaba ng alert level status sa National Capital Region (NCR) mula Alert Level 3 tungo sa Alert Level 2 simula ngayong Pebrero 1 ay senyales na ang publiko ay sumusunod sa health protocols at iba pang guidelines para mapigilan ang COVID-19 surge.
Ang NCR ay inilagay sa ilalim ng Alert Level 3 noong Enero 3 matapos sumirit ang Omicron variant cases.
Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año, magpapatuloy ang ginagawa nilang monitoring dahil inaasahan na nilang daragsa ang mga tao sa malls at iba pang public places habang tataas naman ang workforce.
“Ang pinaka-importante kasi dyan ‘yung cooperation ng lahat. Nakita naman natin nung nag-Alert Level 3, hindi na tayo nag-Level 4. Sila na ‘yung nag-stop papunta ng mall, sila na mismo ‘yung tumigil sa mga ibang activities. That’s a good sign that we have learned so much from this pandemic,” ayon sa Kalihim.
Kailangan din aniyang mapagtanto ng mga Pilipino ang kahalagahan na magpabakuna, kilalanin ang sintomas ng COVID-19 at mag-isolate kung kinakailangan.
“Kahit na marami ‘yung numbers na na-infect, hindi overwhelmed ‘yung ating health care facilities. ‘Yung nagkakasakit sa bahay lang gagaling so ibig sabihin pwede tayong magbukas ng mga economic activity. Ang kailangan lang dito ‘yung individual responsibility na watch out for yourself. Kapag ikaw ay naging close contact, dapat self-isolate na. Look out for symptoms,” aniya pa rin.
Samantala, inilagay rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal sa Luzon; Biliran at Southern Leyte sa Visayas; at Basilan sa Mindanao sa ilalim ng Alert Level 2 hanggang Pebrero 15.
Kinontra
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang isang alkalde ng lungsod sa Metro Manila bunsod ng umano’y under reporting ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa NCR.
Giit ni San Juan Mayor Francis Zamora, ang pagbaba ng arawang bilang ng mga nagpopositibo ay bunsod lamang ng tinawag niyang underreporting.
Aniya, dapat isama sa daily COVID tally ng Department of Health (DOH) yaong mga nagpopositibo gamit ang mga antigen home test kits na boluntaryong nag self-quarantine na lamang sa kani-kanilang tahanan.
Pag-amin ni Zamora, hindi na nakakasama sa talaan ng mga local government units (LGU) tulad ng San Juan ang mga indibidwal na nagpositibong asymptomatic at mild cases.
“So, why are the numbers very low now? I believe that there was underreporting in terms of the number of cases simply because people would do home tests using antigen kits. They may not report anymore to the local government. They just decide to stay home 7 to 10 days and then get better,” ani Zamora sa isang panayam.
Katunayan aniya, 99.5% ng kanilang mga aktibong mga kaso ng COVID-19 ay mild hanggang sa asymptomatic o non symptom dahil sa kanilang mataas na vaccination rate laban sa nakamamatay na karamdaman.
Mula aniya sa halos 2,000 kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar ay bumaba na ngayon sa halos 270 kaya inaasahan niyang maaaring bumaba sa susunod na ilang araw ang mga kaso sa 100 na lamang. (CHRISTIAN DALE/DAVE MEDINA)
