INFLATION LALONG LALALA SA NLEX TOLL HIKE

SA halip na bawasan ang pasanin ng mamamayan, dinadagdagan pa ito umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. matapos payagan nito ang toll fee hike sa the North Luzon Expressway (NLEx) na posibleng magpalala sa lumalaganap na inflation sa bansa.

Kasabay nito, kinastigo din ni dating congressman Ferdinand Gaite ang administrasyon dahil kapag humingi ng umento ang mga manggagawa ay ang daming dahilan samantalang kapag mfa kapitalista, tulad ng may-ari ng NLEx, ang humingi ng dagdag-singil ay agad-agad na pinagbibigyan.

“This toll hike is blatantly inflationary and will inevitably lead to higher prices of basic goods and services. The substantial increases, especially for trucks and delivery vehicles, will definitely be passed on to consumers who are already struggling to make ends meet,” pinuna ni Gaite.

Nitong nakaraang Linggo, Marso 2, ipinatupad na ng NLEx Corporation ang dagdag-singil sa dumadaan sa kanilang expressway matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang petisyon ng nasabing operator kahit hindi umano kinokonsulta ang mga motorista.

Dahil dito, simula nitong Marso ay magbabayad na ng karagdagang P57 ang mga class-A vehicle na gagamit sa NLEx mula sa Balintawak hanggang sa Dau, Pampanga habang P142 naman sa mga bus at maliliit na truck at P171 sa mga malalaking sasakyan.

Inaasahan na babawiin umano ng mga negosyante ang karagdagang toll fee na ito sa mga consumer sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto na dinadala sa Metro Manila mula sa probinsya at vice versa.

“Hindi lang ito usapin ng convenience para sa mga may-ari ng private vehicles. Ito ay direktang dagok sa kabuhayan ng ordinaryong mamamayan na siyang magdurusa sa pagtaas ng presyo ng bilihin,” ani Gaite.

Ang karagdagang singil na ito sa NLEx ay masusundan umano sa 2026 dahil kalahati lamang umano ang in implement ng toll hike, na isang indikasyon na kapag kapitalista ang humihingi ng dagdag-singil ay agad na ibinibigay ng gobyerno samantalang dedma ang mga ito kapag mga manggagawa na ang humihirit ng umento.

“Kapag manggagawa ang humihingi ng signipikanteng dagdag sahod tulad ng P750 wage hike o maski ang ipinasa na sa Kongreso na P200 wage increase ay ang daming dahilan para pigilan ng Marcos Jr. admin. Pero kapag malaking kapitalista ang humirit ng dagdag-singil, malamang sa hindi ay ibibigay nila,” pagtatapos ni Gaite. (PRIMITIVO MAKILING)

6

Related posts

Leave a Comment