INFO DRIVE KAILANGAN BAGO VACCINATION DAY

MAGSASAGAWA ng tatlong araw na “National COVID-19 Vaccination Day” ang gobyerno mula November 29 hanggang December 1 sa 11,000 vaccination centers sa buong bansa.

Magde-deploy ang gob­yerno ng 200,000 vaccinators para maturukan ang 5 million Filipino na hindi pa nakakukuha ng kahit isang bakuna sa loob ng tatlong araw.

Sigurado karamihan sa vaccination centers na ito ay nasa labas ng National Capital Region (NCR) lalo na sa malalayong probinsya na kokonti pa lamang ang nabakunahan. Sana magtagumpay sila.

‘Yung reklamo ng Local Government Units (LGUs) sa labas ng Metro Manila na limitado ang ­ibinibigay sa kanila na supply ng bakuna ay malamang ­ma-reresolbahan na.

Isinisisi ng gobyerno sa LGUs kung bakit mabagal ang bakunahan pero ang hindi kasi nila nakikita, limitado ang dating ng mga bakuna sa mga probinsya kaya papaano nga naman makakapagbakuna ang local officials nang maramihan?

Pero ang isa sa mga problema na hindi nakikita ng gobyerno ay ang kakulangan ng information campaign lalo na sa mga probinsya hinggil sa kabutihan ng bakuna kaya marami ang takot magpaturok.

May mga kakilala ako sa probinsya ang tinanong ko kung nabakunahan na ba sila? Lahat ng sagot nila hindi pa dahil takot sila. ‘Yung mga nagtatrabaho sa LGUs, mayorya na sa kanila ang nabakunahan na dahil obligado sila.

Ang problema ‘yung mga constituent nila na natatakot na mabakuna­han dahil hanggang ngayon ay hindi pa maalis sa kanilang isip ang mga narinig at nabasa nila sa mga balita na may mga namatay sa bakuna, hindi lamang sa Pilipinas kundi lalo na sa ibang bansa.

Walang nagpapaliwanag sa kanila na government officials para mawala ang takot nila sa bakuna. Ibig sabihin, kulang sa information campaign ang gobyerno at kung meron man, hindi umaabot sa mga liblib na lugar.

Malamang may pondo ang gobyerno para sa information campaign para hikayatin ang mga tao na magpabakuna na pero hindi ‘yun ramdam sa malalayong lalawigan.

Madalas ko namang nakikita sa government television ang information campaign pero ang problema, hindi pinapanood ng mga tao ang kanilang istasyon at maraming lugar din ang hindi naaabot ng kanilang signal.

‘Yung LGUs, marami sa kanila ang hindi kumikilos para hikayatin ang mga tao na magpabakuna o kaya ipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng ­bakuna laban sa ­COVID-19.

Merong mga tauhan ang LGUs na umiikot naman daw sa mga barangay pero hindi para kumbinsihin ang mga tao na magpabakuna na kundi tinatanong lang kung gusto ba nilang magpabakuna.

May dalawang linggo pa ang natitira para paigtingin ang information drive sa mga lalawigan kung gusto ng national government na makamit ang kanilang target na 5 milyon na kanilang mababakunahan sa loob ng tatlong araw.

Kung hindi ito gagawin ng national at local government units, magkakaroon ng problema maliban na lamang kung itutuloy ang panakot sa beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino ­Program o 4Ps ­beneficiaries na walang ayuda kung walang bakuna.

240

Related posts

Leave a Comment