NAKIUSAP si Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad ang employment assistance program sa informal sector na naputol ang kinikita sanhi ng enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources, na naiwan sa isang tabi ang mga informal sector tulad ng driver ng public utility vehicles, vendor at katulad nito na walang alternatibong pinagkakakitaan upang maipakain sa kanilang pamilya.
“Sa isang iglap, nawalan po ng kabuhayan ang ating mga vendor, drivers, at iba pa pang manggagawa sa informal sector. Hinihiling natin sa DOLE na kaagad magpatupad ng programa na sasalo sa ating mga informal worker,” ayon kay Villanueva.
“Hindi po makikipagsapalaran sa paglabas sa kanilang mga tahanan ang ating mga manggagawa kung alam nila na may tulong na ipamamahagi ang pamahalaan para sa kanilang mga pangangailangan,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan ni Villanueva ang DOLE sa agarang pagtugon sa kanyang kahilingan nitong Lunes na ipatupad ang employment assistance program sa harap ng community quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nitong Martes, inilabas ng DOLE ang alituntunin para sa COVID-19 Adjustment Measure Program na bibigyan ang mga nawalan ng trabaho sa formal economy ng P5,000 lumpsum cash assistance.
Sakop ng direktiba ang mga retained worker na pinaikli ang working hours sanhi ng pagpapatupad ng flexible working arrangements ng employers at manggagawa na nasuspinde ang trabaho sanhi ng temporary shutdown sa operasyon ng kanilang employer.
Bukod sa cash assistance, magbibigay rin ang DOLE ng employment facilitation services upang itugma ang kanilang kakayahan sa pangangailangan ng trabahador sa local at overseas jobs. ESTONG REYES
