INGAY NG PINOY KAILANGAN SA WPS

DAPAT magkaisa ang sambayanang Filipino sa pagtatanggol sa ­teritoryo ng Pilipinas sa West ­Philippine Sea (WPS) lalo na’t hindi natin ramdam na ipinagtatanggol tayo ng karamihan sa mga naka­upong lider ng ating bansa.

May isa o dalawa lang yata sa napakamaraming lider ng bansa ang nagsasalita laban sa panggagago sa atin ng China pero halos lahat sila ay parang mga asong bahag ang buntot sa puwersa ni Xi Jinping.

Ang pinakahuling insidente sa WPS ay hindi katanggap-tanggap at buti na lang kahit papaano ay may “b” si Foreign affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at nagpakita ng galit pero ‘yung mga nakakataas sa kanya, tahimik.

Bilang isang Pinoy, hindi ko matanggap na harangin at bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard ang dalawang bangka na magdadala ng supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Nasa loob ng ating territorial water ang Ayungin Shoal at may puwersa ang Pilipinas sa BRP Sierra Madre na ginawang outpost ng Philippine Navy kaya para na ring inaatake ng China ang Pilipinas n’yan.

Inaantay ko magsalita ang pinakalider ng ating bansa sa insidenteng ito at sana kung anong tapang nila sa kapwa Pinoy, ganun din dapat nilang gawin sa mga dayuhang direktang nananakop na sa ating teritoryo.

Pero habang nag-aantay tayo, dapat magkaisa ang sambayanang Filipino na ipagtanggol ang ating bansa laban sa China. Hindi natin kailangang makipag-giyera… kailangan nating ­iparamdam sa China na hindi tayo basta-basta sumusuko.

Ang napansin ko sa China kapag nadedehado, ang ingay nila sa international community… ang ­iingay ng kanilang mga lider, ang iingay ng kanilang mga taga-pagsalita at laging may halong pagbabanta ang kanilang pag-iingay.

Puwes tapatan natin ang kanilang ingay dahil kung hindi natin gawin ‘yan, baka akala nila na isinusuko na ng mamamayang Filipino sa kanila ang ating teritoryo sa WPS.

Hindi puwedeng manahimik ang Pinoy sa isyung ito dahil napakalaking potensyal ng WPS sa pag-unlad ng mga susunod na henerasyon kaya kailangang magkaisa tayong lahat.

Ang hindi ko lang maunawaan, ano bang meron at hindi kayang palagan ng ating mga lider si Xi Jingping. Kung ‘yung pangakong pautang, mukhang hindi naman natupad ‘di ba?

Napakaraming proyekto ang ipinangako ng China kay Pangulong Duterte nang maupo ito bilang Pangulo noong 2016 pero ilan ba ang naimplementa sa nakaraang halos 6 na taon?

Kung ‘yung donasyon ng China na 1 milyong doses ng Sinovac na inaawayan ng mga Pinoy kaya hindi sinisipot ang mga vaccination centers kapag alam nilang gawang China ang ituturok sa kanila, napakaliit nito kumpara sa mahigit 30 million doses na donasyon ng Amerika.

Nananalangin ako na ang mga susunod na lider ng bansa ay magkaroon ng paninindigan sa WPS at hindi magpauto at hindi magpahawak sa leeg sa China lalo na kay Xi Jinping.

Alam kong walang laban ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa People’s Liberation Army ng China pagdating sa mga kagamitang pandigma pero hindi ito dapat maging dahilan para yumuko ang Pinoy kay Xi Jinping tulad ng pagpapayuko niya sa kanyang mga sariling mamamayan lalo na’t may legal ownership na tayo sa WPS.

503

Related posts

Leave a Comment