INGAY, USOK AT BAHO SA TIME CERAMIC INIREKLAMO NG MGA RESIDENTE

SAN PASCUAL, Batangas — Nanawagan ang mga residente ng Brgy. San Teodoro ng agarang aksiyon laban sa Time Ceramic, na matatagpuan sa Brgy. Gelerang Kawayan, dahil sa umano’y matinding ingay, makapal na usok, at mabahong amoy na nagmumula sa operasyon ng mga generator set ng kumpanya.

Ayon sa mga reklamong ipinost sa social media at isinumite sa barangay, ang tuloy-tuloy na paggamit ng mga generator—lalo na sa gabi—ay nagdudulot ng matinding istorbo sa pahinga at kalusugan ng mga residente.

Iniulat din ang pagbuga ng maitim na usok at masangsang na amoy na umano’y nagiging sanhi ng hirap sa paghinga, pagkahilo, ubo, at pagsusuka, partikular sa mga bata at matatanda.

Ilan sa mga residente ang nagpakita ng medical records na nagpapatunay ng respiratory infection, habang may isang pamilya ang gumastos umano ng halos P27,000 para sa pagpapagamot ng kanilang anak.

Dahil dito, hiniling ng mga residente ang agarang inspeksyon at imbestigasyon, at nanawagan na huwag munang i-renew o pansamantalang suspendihin ang business permit ng Time Ceramic hangga’t hindi ito ganap na nakasusunod sa mga batas at regulasyong pangkalikasan.

Ayon sa mga nagrereklamo, hindi nila layuning hadlangan ang operasyon ng negosyo, kundi tiyakin na hindi nalalagay sa panganib ang kalusugan ng komunidad at ang kapaligiran.

Habang sinusulat ito ay wala pang nakukuhang pahayag mula sa Time Ceramic kaugnay sa mga paratang.

1

Related posts

Leave a Comment