HINDI mamatay-matay ang isyu sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil kahit sa hanay ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ay ito ang kanilang pinag-uusapan.
Sa kondisyong huwag pangalanan, sinabi ng isang administration congressman na pinag-uusapan umano sa kanilang hanay “kung ano ba ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Duterte”.
“Pinag-uusapan nga namin sa group namin (sa Kongreso). Ano ba talaga kalagayan ng presidente,” ayon sa impormante ng Saksi Ngayon dahil iba-iba umano ang espekulasyon ng mga ito.
Ito ay sa kabila ng video na inilabas ng kampo ng matagal nang alalay ni Duterte na si Sen. Bong Go kung saan nakikitang nagdya-jogging, nagmomotor at naglalaro pa ng golf ang pangulo sa Malacañang ground.
Inilabas ang video matapos hindi bumenta ang larawan na inilabas ni Go na magkausap sila ni Duterte sa isang mesa at nagtatrabaho, sa gitna ng mga kumakalat na impormasyon na na-stroke umano ito.
“Ang daming speculations ang mga kasamahan namin. Lahat kami ay walang personal idea kaya nagkakaroon ng speculations,” ayon pa sa impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.
“Sabi nga namin kung nagkapag-jogging siya (presidente), dapat humarap siya sa mga tao kahit sa zoom lang. Lalo tuloy nagdududa ang mga tao sa kanyang health,” ayon pa sa impormante.
Sa panig naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na miyembro ng minority bloc sa Kamara, dapat aniyang maglabas pa rin ng medical record ang Malacañang sa kalagayan ng pangulo.
Karapatan aniya ng mamamayang Pilipino na malaman kung malusog ang pangulo dahil nakasalalay umano rito ang kalagayan ng bansa.
“Dapat kasi maglabas ng medical record. Kung talagang maayos (ang kalagayan) siya,” ani Brosas.
Subalit kung patuloy aniyang tatanggi ang Malacañang na gawin ito ay lalong magdududa ang publiko sa kalagayan ng kalusugan ng 76-anyos na pangulong ng bansa. (BERNARD TAGUINOD)
156 