IDINEKLARANG patay na habang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang 53-anyos na construction worker makaraang makaramdam ng hirap sa paghinga sa selda ng Manila Police District-Binondo Police Station 11, nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni Erickson Aguilar ng Manila Police District-Homicide and Investigation Section, idineklara ni Dr. Avento Victoriano na wala nang buhay ang biktimang si Jesus Orbito y Libris ng Baseco Compound, Port Area, Manila, dakong 4:45 ng madaling araw.
Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-3:50 ng madaling araw nang isugod sa nasabing pagamutan si Orbito dahil nahihirapang huminga.
Nauna rito, inaresto ng nagpapatrulyang mga pulis si Orbito dahil walang suot na facemask habang may curfew at nagtangka pang lumaban sa mga awtoridad. (RENE CRISOSTOMO)
178
